Ipinatawag na ang aktor-TV host na si Luis Manzano sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isinasampang kaso ng mga nagrereklamong investor sa isang fuel company.
Kasama si Manzano sa mga nais ireklamo ng mga investor na nahimok umano nitong mamuhunan sa naturang kompanya.
Nauna nang nilinaw ni Luis na wala siyang kinalaman sa anomalyang kinasasangkutan ng "Flex Fuel Petroleum Corporation," batay na rin sa kaniyang abogadong si Atty. Regidor Caringal, ayon sa ulat ng PEP.
Nagpadala na raw ng affidavit si Luis sa NBI sa pamamagitan ni Atty. Caringal, upang magpatulong na imbestigahan ang naturang kompanyang pinangangasiwaan ng isang Ildefonso "Bong" Medel.
Salaysay umano ng TV host-actor, maging sa kaniya ay may milyones na utang si Medel na kaniyang kasosyo sa negosyo. Lumapit at humingi naman ng saklolo ang mga investor ng kompanya na mabawi ang kanilang ipinamuhunan sa nabanggit na fuel company.
Ayon sa affidavit nu Luis noong Disyembre 21, 2022, siya umano ang itinalaga ni Medel bilang chairman of the board ng mga kompanya nito bilang "one of the guarantees for my investment."
Subalito giit ni Luis, "I never took part in the management of the business."
Dahil dito ay nagbitiw na rin sa kaniyang katungkulan si Luis at lumayo na sa naturang kompanya, lalo't napag-alaman daw niyang maraming inililihim sa kaniya ang kasosyo tungkol sa kompanya.
Sa kasalukuyan daw ay wala pa ring aksyon o tugon si Medel sa panawagan nilang ibalik ang mga perang ininvest nila sa nabanggit na fuel company.
Claim naman ng mga investor na dumulog sa NBI, wala umano silang ideya tungkol sa pagbibitiw ni Luis sa naturang kompanya.