Dahil naging usap-usapan kamakailan ang tungkol sa umano'y hindi pagsusustento ng Kapuso actor na si Paolo Contis sa kaniyang mga anak, may pahayag ang kaniyang talent manager na si Manay Lolit Solis hinggil dito.

Matatandaang sinabi ni Paolo sa kaniyang interview sa “Fast Talk with Boy Abunda," totoong hindi siya nakakapagsustento sa mga anak dahil may rason daw siya kung bakit niya ginagawa ito. Pero nilinaw niyang nag-iipon siya ng pera upang siya mismo ang magbibigay nito para sa kaniyang mga anak, pagdating ng tamang panahon.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2023/01/28/paolo-contis-aminadong-sumasablay-sa-sustento-sa-mga-anak-but-im-saving-for-them/

Sa Instagram post ni Manay Lolit, hindi niya raw masisisi ang mga taong nagsasabing hindi nagbibigay ng suporta at hindi dinadalaw ni Paolo ang mga anak nito. 

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

"Ngayon yata Salve naging very exciting ang mga issues kay Paolo Contis. I don't blame the people accusing him na hindi nagbibigay ng suporta, hindi dinadalaw ang mga anak. No amount of apologies ang puwede magbura sa hindi mo pagbibigay ng oras para makita ang mga anak mo," aniya. 

Suwerte pa rin daw si Paolo dahil maayos ang buhay ng kaniyang mga dating partner at ina ng mga anak na sina Lian Paz at LJ Reyes.

Gayunman, hiling ng talent manager na sana raw ay may maibigay na oras si Paolo sa kaniyang mga anak para hindi umano maputol ang komunikasyon nito sa mga anak. 

"Huwag na iyong pera na suporta, o anuman materyal, sana lang meron siyang ibinigay na oras para hindi maputol ang communication sa mga anak. Pero maaga pa, puwede pang bumawi ni Paolo Contis. Sana nga ay nag mature na siya para makita ang responsibilidad na nasa balikat niya," ani Lolit.

"Sana nga ay maayos na niya ang napaka salimuot na journey ng buhay niya. Totoo nga sana na may iniipon siyang pera para ibigay sa mga anak niya pagdating ng panahon. Bata pa nasa showbiz na si Paolo Contis. Kung iisipin mo napakarami na sana ng kinita niya at naging investment kung naging maayos ang financial handling niya.

"Huli na ang sisihan, pero dapat doble sipag at swertihin sana si Paolo Contis ngayon para matupad niya pangarap niyang bahay at malaking pera sa banko. Tatlo ang anak niya na dapat niyang pag ipunan, at kahit late niya naisip magpundar ng bahay, medyo hindi ganun kaganda ngayon ang lagay ng showbiz," lahad pa ni Lolit.

Sa dulong bahagi ng kaniyang post, hiling ni Lolit na maibigay ng aktor ang obligasyon nito para sa mga anak.

"Wish you luck Paolo, likas kang mabait, kaya sana naman matupad ang mga pangarap mo. Huli man bago mo naisip mag pundar sana naman matupad ito. At sana nga pagdating ng araw, maibigay mo ang mga dapat naging obligasyon mo sa iyong mga anak at manatili sana ang respeto at pagmamahal ng mga ito sa kanya kahit hindi sila nagkikita ng madalas," saad niya.

Hangad din ni Lolit sana raw ay forever na raw sina Paolo at Yen Santos.

"Hindi pa huli para maayos lahat sa buhay ni Paolo Contis. Sana nga si Yen Santos na ang makatulong niya para sa maayos na buhay. We wish them well, sana nga forever na sila. Bongga."