Marami ang bumilib sa post ni Ila Rucel Diolata, 22, mula sa Labo, Camarines Norte tampok ang driver ng nasakyang tricycle na nagpalibreng sakay sa araw ng kaniyang kaarawan.

Sa panayam ng Balita Online, ibinahagi ni Diolata na papasok daw siya sa eskwelahan noong Enero 30 nang masakyan niya sa Daet, Camarines Sur ang tricycle ng driver na si Ronald Del Valle. Pagpasok niya kasama ang isang kakilala sa loob ng tricycle, agad daw nilang nakita ang nakapaskil na papel na ang nakasulat ay “free ride today.”

“Pagsakay namin nong kasama ko, nagkatinginan kami sabay sabing ‘ay wow, may free ride’,” aniya.

Nalihis naman din daw agad ang atensyon nila doon at nagkuwentuhan muli sila ng kaniyang kasama habang bumabiyahe. Nang pababa na raw sila, nagbigay pa rin sila ng bayad sa driver, ngunit hindi niya ito tinanggap dahil sa pa-free ride niya raw talaga iyon.

Human-Interest

Asong malungkot din sa pagkamatay ng fur dad, dumurog sa puso ng netizens

Nang itanong daw nila kung bakit, sinabi raw ni Del Valle na ito ay dahil sa kaniyang kaarawan.

Sa panayam din ng Balita Online, ibinahagi ni Del Valle na ginawa niya ang nasabing free ride sa kaniyang kaarawan bilang pasasalamat na rin dahil malaking tulong ang pamamasada niya sa mga pang-araw-araw na gastusin nilang pamilya.

"Tapos mababantayan ko pa ang mga anak ko. Gusto ko kasi ako ang maghahatid-sundo sa mga bata para safe," aniya.

Nagpapasalamat naman si Diolata dahil sa kabila ng mahal na gasolina at hirap ng buhay ngayon, nagagawa pa rin ng driver na tumulong sa iba.

Malaki na rin daw ang ₱15 na naitulong sa kaniya ng libreng pamasahe nang araw na iyon dahil pandagdag din ito sa kaniyang baon sa pag-aaral.

“Sana patuloy na maipasa sa lahat ng tao ang mga kabutihang nagagawa ng bawat isa,” ani Diolata.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa amingFacebookatTwitter!