Inilabas ng Guinness World Records (GWR) nitong Miyerkules, Pebrero 1, ang wedding cake dress ni Natasha Coline Kim Fah Lee Fokas ng SweetyCakes sa Switzerland bilang bagong pinakamalaking cake dress sa buong mundo.
Inirampa ni Fokas ang kaniyang 131.15 kg (289 lb 13 oz) dress na gawa sa tradisyunal na cake ingredients noong Enero 15, 2023 sa Swiss World Wedding fair na ginanap sa Bern, Switzerland.
Sa ulat ng GWR, sinabi ni Fokas na una raw niyang naisip gumawa ng wedding dress na gawa sa cake noong nagtatrabaho siya bilang isang cake designer sa kaniyang maliit na shop na may pangalang “SweetyCakes” ilang taon na ang nakalilipas. Matapos daw nito, nagpursigi na siyang isakatuparan ang paggawa ng wedding dress cake.
“A few days later, my youngest daughter Elli was already the model for the first attempt [and] the most difficult part: how is it possible to construct the part of the dress that has to be worn on the skin in such a way that it holds up...? It wasn't perfect, but perfect for the first time,” aniya.
Upang maging record holder, kinakailangang hindi bumaba sa 68 kg (149 lb 14 oz) ang bigat ng cake at kailangang mairampa ito ni Fokas sa limang metro (16 feet) nang hindi nasisira ang cake.
“In terms of construction, the cake dress was supported by an aluminium frame, including two metal bolts and the top of the dress (corsage made of plaster) weighed 50.90 kg (112 lb 3.455 oz). With the top part of the cake made of sugar paste/fondant,” anang GWR.
“The frame acted as a cake dress skirt and small boards measuring 10 cm (3.9 inches) in height held the cake in place,” dagdag nito.
Matapos ang mabusising pagtimbang mula sa cake dress hanggang sa mga pinang-alalay rito, ginawaran na si Fokas ng Guinness World Records certificate para sa pinakamalaking wearable cake dress.
Dahil isang panuntunan din ng GWR na dapat walang masayang sa pagkain, pinakain ang wedding cake dress sa mga bisita sa shop ng SweetyCakes. Pinamigay rin kinabukasan ang natira nito.
Kilala ang SweetyCakes ni Fokas sa paggawa ng customized cakes. Itinayo ito noong 2014 sa Thun, Switzerland.