Inihain ni Senador Raffy Tulfo ang Senate Bill 1778 na naglalayong gawing legal ang importasyon ng mga ukay-ukay na damit, bag, sapatos, at accessories sa bansa.

Pinapawalang bisa ng panukalang batas na ito ang Republic Act 4635, “the Act to Safeguard the Health of the People and Maintain the Dignity of the Nation by Declaring it a National Policy to Prohibit the Commercial Importation of Textile Articles Commonly Known as Used Clothing and Rags”, na isinabatas noong 1966.

Ayon kay Tulfo, kinakailangan nang ipawalang-bisa ang nasabing batas dahil hindi naman maikakaila ang paglaganap ng mga ukay-ukay sa bansa at bahagi na ito ng kultura ng mga Pilipino.

“By legalizing ukay-ukay, the ₱18-billion industry will no longer be an underground enterprise since it will be duly registered and its revenues audited for accountability by the proper government agencies,” ani Tulfo.

“The revenue-generating industry also generates employment. However, it must be regulated by the proper government agencies to ensure its compliance with applicable laws,” dagdag niya.

Sa ilalim ng panukalang batas, pagpapasiyahan ng Department of Health (DOH) ang health standards at prerequisites sa pag-angkat at pagpapamahagi ng mga nagamit na damit at basahan.

Samantala, ang Tariff Commission naman, sa tulong ng mga kaugnay na ahensya, ang magpapasiya ng tamang buwis na ipapataw sa mga nasabing produkto.

Bukod dito, ang Bureau of Customs (BOC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bahala sa disposisyon ng pag-aangkat ng mga gamit na telang nasamsam dahil sa mga paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Kapag naisabatas ang Senate Bill 1778, maglalabas umano ang BOC, Tariff Commission, DOH, at DSWD ng mga panuntunan sa pagpapatupad nito.