Iniulat ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) na nakapagtala sila ng lampas sa 400,000 na pasahero na sumakay sa kanilang mga tren sa loob lamang ng isang araw.

Sa inilabas na datos ng MRT-3 nitong Huwebes, nabatid na umabot sa 400,182 pasahero ang sumakay sa kanilang mga tren nitong Pebrero 1.

Ito na anila ang pinakamataas na bilang ng pasaherong sumakay ng linya simula nang magbalik-biyahe sila noong Hunyo 1, 2020.

Ayon sa MRT-3, ang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong nabibigyang serbisyo ng MRT-3 ay patunay ng mas pinabuting serbisyo ng linya at maayos na pangangalaga, rehabilitasyon ng mga bagon at subsystems nito.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

“Patuloy po ang ginagawa na maayos na pagmimintina ng ating mga bagon, na natapos na nga pong lahat na isailalim sa overhauling. Makaaasa po ang publiko na higit pa pong pagbubutihin ng MRT-3 upang mas marami pang pasahero ang makinabang sa maayos at abot-kayang serbisyo ng ating linya," ayon kay MRT-3 Director for Operations Engr. Oscar B. Bongon.

Matatandaang natapos ang malawakang rehabilitasyon ng MRT-3 noong Disyembre 2021 na nagbigay-daan upang maibalik ang highest operating speed ng mga tren sa 60 kph mula 30 kph.

Bumaba rin ang headway o oras sa pagitan ng mga tren sa 4-4.5 minuto mula 8-9.5 minuto tuwing peak hours habang umigsi rin ang travel time ng tren mula North Avenue Station hanggang Taft Avenue Station sa 30-35 minuto na lamang mula sa dating 1 oras at 15 minuto.

Tiniyak rin naman ng MRT-3 na mahigpit pa rin nilang ipinatutupad sa loob ng mga tren, ayon sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan, ang (1) palagiang pagsuot ng face mask, (2) pagbawal sa pagsalita at pakipag-usap sa telepono, (3) pagbawal kumain, uminom at paninigarilyo, (4) pagpanatili ng maayos at sapat na ventilation sa mga PUV, (5) laging pagsagawa ng disinfection, (6) pagbawal pagpasakay ng pasaherong may sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon, at (7) Laging pagpasunod sa panuntunan ng appropriate physical distancing.