Magmula sa pilot episode ay palaging trending at humahakot ng mga positibong reviews at feedback ang revenge-themed teleseryeng "Dirty Linen."
Bukod sa mabilis na takbo ng istorya, kakaibang plot, at nakakikilabot na musical scoring, puring-puri din ng mga netizen ang acting prowess ng buong cast. "Wala raw tapon" sa kanilang lahat, maski na ang aktingan ng mga kasambahay. Bawat episode o gabi raw, may mga karakter na nabibigyan ng pagkakataong mag-shine.
Pansin na pansin din ang "mata-mata school of acting" o walang diyalogo o linya subalit damang-dama sa kanilang mga nangungusap na mata ang mga damdamin at pinagdaraanan ng kanilang mga karakter sa isang eksena.
Pinuri na nga ito ng showbiz columnist-talent manager na si Ogie Diaz.
"Mata-sa-mata acting ang uso sa 'Dirty Linen,'" ani Ogie sa kaniyang tweet.
Sa kabilang banda, may isang artista raw siyang napansing tila tamad umarte. Kapag nag-effort naman daw, halatang-halata dahil hindi natural.
"Merong isang artista doon, tamad umarte. Pag umarte naman, bigay todo, halata ang effort. Hindi naka-in character."
Sa comment section ay kaniya-kaniyang hula ang mga netizen kung sino ang tinutukoy niya.
May mga nagsabing baka si Francine Diaz o kaya si Seth Fedelin.
O kaya naman daw, ang baguhang aktor na gumaganap na kapatid ni Xyriel Manabat na si Raven Rigor.
Imposibleng si Xyriel Manabat dahil naging trending siya sa episode kagabi, Pebrero 1, dahil sa husay niya sa isang eksena. Pinatunayan daw niyang may FAMAS award siya na nakuha niya noong siya ay child star at gumanap na batang "Ana Manalastas" sa seryeng "100 Days To Heaven" kasama sina Jodi Sta. Maria at Coney Reyes.
Palagay mo, sino nga kaya?