Binatikos ng Gabriela Women’s partylist ang bagong patalastas ng isang fast food restaurant sa Pilipinas dahil sa ginawang paglalarawan umano nito sa kababaihan.
Sa buradong nang patalastas ng Subway Philippines, makikita ang karakter ng social media personality na si Kimpoy Feliciano bilang isang loverboy na hindi alam kung sino ang pipiliin sa tatlong babae, hanggang sa waring kinumpara niya ang mga ito sa produktong sandwich ng Subway: “biggest,” “tastiest,” at “meatiest.”
Sa kanilang Facebook post nitong Miyerkules, Pebrero 1, sinabi ng Gabriela na maituturing daw na “offensive”, “triggering” at “insensitive” ang naturang patalastas lalo na’t maraming kababaihang Pilipino pa rin ang biktima ng iba’t ibang pang-aabuso.
“We would like to remind Subway that women are not pieces of meat. The advertisement reeks of sexism and misogyny,” anang Gabriela. “This is a stark reminder that, when it comes to the way we portray women in the media, we still have a very long way to go.”
Bukod sa pagpapabura ng nasabing patalastas, hinihikayat din ng Gabriela ang Subway na mag-isyu ng public apology para rito.
Dagdag pa nila, magsilbi sanang leksyon ang pangyayaring ito sa mga kompanya na maging sensitibo sa kalagayan ng kababaihan.
Sa tala ng Philippine National Police (PNP), tinatayang mahigit 12,000 kaso ng pang-aabuso sa kababaihan ang naiulat noong taong 2021.