Dumepensa at agad na nagpaliwanag ang social media personality couple na sina Whamos Cruz at Antonette Gail Del Rosario hinggil sa paninita ng mga netizen sa ginawa nilang pagpapainom ng tubig sa bagong silang na anak na si Baby Meteor, at pagbukas sa mga mata nito habang tulog.

Hindi nagustuhan ng ilang concerned netizens ang ginawa ng dalawa dahil hindi pa raw puwedeng painumin ng tubig ang isang baby na kasisilang lamang; dapat daw ay puro gatas muna ang ipainom dito.

Sa isang video ay nilatag at inisa-isa nilang dalawa ang mga naging puna at komento ng followers nila.

Anila, hindi raw marami ang ipinainom nila kay Baby Meteor at may go signal ng kanilang pediatrician. Okay lamang daw na painumin ng tubig ang sanggol subalit gapatak lamang daw. Dahil hindi umano available ang dropper sa kanilang bahay nang mga oras na iyon, minabuti nilang ilagay ito sa feeding bottle. Alam naman daw nilang 6 na buwan pa ang kailangang palipasin bago tuluyang mapainom ng tubig ang anak.

Whamos, Antonette Gail, sinita, pinagsabihan ng netizens kung paano ang tamang pag-alaga ng baby

Inaddress din nila sa video ang ginawa nilang pagdilat sa mata ng anak.

Nakiusap ang dalawa sa kanilang followers na kung may mali man sa kanilang mga ginagawa, pagsabihan na lamang sila nang maayos at huwag nang i-bash. Nakikinig naman daw sila sa mga mungkahi at puna lalo't first time mommy and daddy pa lamang sila.

“Sana sa susunod, kapag alam n’yong mali ‘yung tao, o yung mga magulang, ‘wag n’yo nang i-bash. Wag n’yo nang ikalat na ganito kami. Gawin n’yong perfect ‘yung tao. i-perfect n’yo ‘yung tao. na ‘sana sa susunod ganito na ‘yung gawin n’yo. ‘Wag n’yo nang gawin,” pakiusap ni Whamos.

Sa huli, nagpasalamat ang dalawa sa mga pag-korek sa kanila ng followers, Ipinakita pa nila ang ilang mga gamit ni Baby Meteor.