Magandang balita dahil hindi nagpatuloy ang upward trend sa Covid-19positivity rate sa National Capital Region (NCR) at sa buong Pilipinas.

Batay sa datos na ibinahagi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Lunes sa kanyang Twitter account, nabatid na kapwa bumaba ang positivity rate ng NCR at ng Pilipinas sa Covid-19.

Ayon kay David, ang weekly positivity rate ng NCR ay bumaba muli sa 2.3% na lamang noong Enero 28, 2023 matapos na sumikad sa 2.4% noong Enero 27.

“For now, it looks like the spike is just a one off,” tweet pa ni David.

National

Clothing store, nag-sorry sa customer na pinaalis dahil sa stroller ng anak na PWD

Nagpahayag rin naman si David ng pag-asa na magpapatuloy na ang downward trend ng Covid-19.

“Hopefully, the positivity rate continues to trend downward. We will continue to monitor the trends,” aniya pa.

Samantala, naitala rin naman ang nationwide positivity rate sa 2.3% nitong Enero 29, 2023, na mas mababa rin sa 2.4% na naitala noong Enero 28, 2023.

Mayroon ring 166 bagong kaso ng sakit na naitala ang Department of Health (DOH) sa nasabing petsa, sanhi upang pumalo na sa 4,072,911 ang total Covid-19cases sa bansa.

Sa naturang bilang, 9,982 na lamang ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman.

Mayroon din namang 10 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa karamdaman, kaya’t pumalo na sa 65,767 ang total Covid-19deaths ng bansa.

Umaabot naman na sa 3,997,162 ang total Covid-19recoveries ng bansa matapos na makapagtala ng karagdagang 113 pang bagong gumaling sa sakit.

Sa pagtaya ni David, maaaring makapagtala ng mula 150 hanggang 200 bagong kaso ng sakit ang bansa ngayong Enero 30, 2023.

“Jan 29 2023 DOH reported 166 new cases 10 deaths (4 in NCR) 113 recoveries 9982 active cases. 2.3% nationwide positivity rate. 51 cases in NCR. Projecting 150-200 new cases on 1.30.23.,” ani David.