Isang 32-anyos na babae ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng 19-anyos na lalaki sa loob ng isang hotel room sa Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila noong Linggo, Enero 29.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang suspek na si Naif Dumare Imam, residente ng Quiapo, Maynila.

Ayon kay Cpl. Errhol Aguila, imbestigador sa kaso, ang biktimang si Marilou Lagidao Baldres, 32, ng Sta. Cruz, Maynila, natagpuang patay sa isang silid ng hotel dakong alas-2 ng madaling araw noong Linggo.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pumayag ang biktima na mag-check in kasama ang suspek sa hotel kapalit ng P400 ngunit kalaunan ay nagtalo sila sa presyo.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Kumatok sa kwarto ang testigo, isang 23-anyos na room attendant, matapos marinig ang sigaw ng babae ng “Huwag po kuya! Kuya tama na po!”

Nang buksan ng suspek ang pinto, nakita siya ng saksi na may dugo ang mga kamay at ang walang buhay na babae na nakahandusay sa sahig.

Iniulat ng saksi ang insidente sa MPD Police Station 3.

Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar at inaresto ang suspek alas-3:25 ng madaling araw ng araw ding iyon.

Sinabi ni Aguila na ang biktima ay sinaksak ng 13 beses gamit ang 12-inch kitchen knife (kabilang ang hawakan).

Sinabi ng imbestigador na sinabi ng suspek na pag-aari ng biktima ang kutsilyo at ipinagtanggol lamang nito ang sarili mula sa mga pag-atake nito.

Dagdag pa ni Aguila, nagtamo rin ang suspek ng mga sugat sa braso at likod.

Nasa kustodiya na ngayon ng MPD Crime Investigation Section ang suspek at sasampahan ng kasong murder, sabi ng pulisya.

 Diann Ivy C. Calucin