Muli na namang nabuhay ang hindi mamatay-matay na isyu umano sa pagitan ng beteranang aktres na si Dina Bonnevie at actress-TV host Alex Gonzaga, matapos ang kontrobersyal na pahayag ng batikang aktres sa kaniyang kaarawan kamakailan.

Sa isang TikTok video ng celebrity make-up artist na si Astrud Gil S. Lontoc (astrudtv), makikitang hawak ng isang waiter ang birthday cake ni Bonnevie at bago siya mag-blow ng kaniyang birthday candles, sinabi niya na “Hindi kita papahiran ng cake, magpapasalamat ako sa’yo.”

“Cakes are to be eaten and not to be pasted on other people’s faces," giit pa ni Dina.

Matatandaang nalublob sa kumukulong tubig ng kontrobersiya si Alex dahil sa ginawa niyang pamamahid ng icing sa mukha ni Allan Crisostomo, ang waiter na may hawak ng cake sa pagdiriwang ng kaarawan niya. Ang video naman nito ay inupload ni Dani Barretto, bagay na inamin naman niya sa isang panayam na pinagsisisihan niya ito.

Dani Barretto, nagsisisi kung bakit pinost ang 'pahid-icing' video ni Alex Gonzaga

Naging halo-halo naman ang reaksiyon at komento ng mga netizen. May mga lalong nagsasabing mas umigting daw ang mga espekulasyong si Alex nga ang pinatututsadahan ni Dina noon tungkol sa isang young actress na napagsabihan niya sa set dahil late na dumating.

May mga netizen naman ang nagsasabing huwag na sana pang ungkatin pa ang nakaraan at mag-move on na.