Sinagot ng Kapamilya singer na si Gigi De Lana ang isang netizen na nagtanong sa kaniya kung bakit niya pinaputol ang mahabang buhok.

Umaani kasi ng pang-ookray sa mga netizen ang new look ni Gigi kung saan maiksi na ang buhok niya, na hanggang batok na lamang.

Tila may ilang netizens ang nagsabing hindi bagay sa kaniya ang maiksing buhok, at mas lutang na lutang ang taglay na ganda niya kapag mahaba ito.

Sa katunayan, naihahambing pa ang beauty niya sa premyadong aktres na si Angel Aquino, na napapanood ngayon sa seryeng "Dirty Linen".

Short hair ng singer na si Gigi De Lana, inokray; singer, rumesbak

Sinagot na ni Gigi ang mga komento tungkol sa kaniyang buhok, na aniya ay para maiba naman.

Pero sa kaniyang TikTok video, inamin ni Gigi na may mas malalim pa siyang rason kung bakit nagpagupit siya.

Aniya, ginawa niya ito dahil may stage 4 breast cancer ang kaniyang ina. Sinabayan niya ang ina na ngayon ay maiksi ang buhok upang hindi ito malungkot sa kaniyang sarili.

"Gusto ko kapag makikita ko siya, gusto ko magkasing-iksi kami ng hair," ani Gigi.

"Pero ito po, hindi ko po kaya ang semi-kalbo o parang boy cut talaga. So 'yun po, para hindi na po kayo magtanong at magsabi sa akin ng 'Bakit ka nagpagupit'… kung gusto n'yo rin pong magpagupit, magpagupit din kayo, hindi naman sayang dahil tutubo ulit buhok n'yo," aniya sa TikTok video.

Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.

"Praying for your mom. I declare in the name of the Lord your mom will be fully healed."

"Puwede naman kasi mag-hair extensions, at tama naman, tutubo ulit ang hair. Go lang Gigi! Your hair, your rules!"

"Maganda ka pa rin naman po kahit maiksi buhok mo, Ms. Gigi."

"Praying na maka-survive at gumaling ang mommy mo. God bless you!"