Humaplos sa puso ng mga netizen ang ginawa ng gurong si Ma'am Flerida C. De La Cruz, 39-anyos mula sa Project 4, Quezon City, at nagtuturo ng asignaturang Filipino 9 sa Jose P. Laurel Sr. High School, dahil sa kaniyang libreng pameryenda sa kaniyang mga "anak" habang kumukuha sila ng pagsusulit.

Makikita sa Facebook post ng guro ang kaniyang litrato kung saan makikita sa ibabaw ng kaniyang mesa ang dalawang kahon. Ang unang kahon ay may label na "Drop your phone" habang ang pangalawang kahon naman ay may nakalagay na "Pick a snack" matapos isilid ng mag-aaral ang kanilang cellphone sa unang kahon.

Ma'am Flerida C. De La Cruz (Larawan mula sa FB)

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Ayon sa eksklusibong panayam ng Balita Online kay Ma'am Flerida, siya ay gurong tagapayo ng Grade 9-Quezon. Naisipan daw niyang magbigay ng meryenda sa kaniyang advisory class upang maganyak ang mga ito sa pagsagot ng eksamin.

Isa pa, may pa-hashtag din siyang #TapatDapat.

"Naisipan ko magpa-snack during exam para ma-motivate ang mga bata na magbasa at huwag madaliin ang pagsagot sa pagsusulit. Magsagot sila ng buong katapatan at pagsisikap. (kaya may hashtag po na #tapatdapat)," paliwanag ng guro.

"Pangalawa para ipagkatiwala nila sa akin ang kanilang cellphone at wag itong gamitin during exam. (nooong 1st quarter exam nila confiscated din naman ang kanilang cp during exam kaya lang walang free snack. Ngayon medyo level up na, may kapalit na po haha)."

Bukod dito, nais ding itampok ng guro ang kaniyang pinaniniwalaang "Sharing is caring."

"Pangatlo, para i-promote sa kanila ang 'sharing is caring.' Ako po ang adviser at 1st period class teacher nila, madalas po may mga nahuhuli sa klase… minsan yung iba di pa kumain, simple way ng pagmamalasakit at pagbabahagi ng blessing ni Lord."

"Sa ganito din pong paraan ay makikita po ng mga mag-aaral na kaming mga guro ay hindi lang nagtuturo… kami ay tunay na pangalawang magulang na handang magbigay ng higit pa sa kaalaman."

Mga larawan mula kay Flerida C. De La Cruz

Good job, Ma'am Flerida!

Nais mo bang mai-feature ang iyong istorya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!