Inihain ni Senador Mark Villar ang Senate Bill No. 1704 o ang Person With Disabilities (PWD) Infrastructure-Friendly Facilities Act para magtayo ng PWD-friendly na mga pasilidad sa State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa nitong Huwebes, Enero 26.

Ayon kay Villar, magbibigay ito ng pantay na oportunidad sa bawat estudyante na makapagtapos ng kolehiyo sa gitna ng pagkakaiba-iba ng pang-pinansiyal at pisikal na katayuan nila sa buhay.

"Enabling the disabled is a state policy that should be reflected in Philippine legislation,” aniya sa kaniyang explanatory note na naiulat sa PNA.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, kinakailangangang gumawa ng mga pasilidad sa loob ng mga SUCs na angkop sa mga PWD, katulad ng signages, entrances, corridor, toilets, switches at controls, elevators, accessible desks, canteens, waters taps, at emergency exits.

National

Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

Kasama rin dito ang mga kalsada na kakailanganin upang marating ang mga paaralan, maging ang access ng PWDs sa tubig, sanitation at hygiene facilities.

“Aside from the fact that education is a right endowed even to PWDs, obtaining a college degree is needed for them to be competitive in employment, whether locally or abroad,” ani Villar.

Sa paghain ng Senate Bill No. 1704, binanggit ni Villar ang Article 17 of the Magna Carta for Persons with Disabilities na nagsasabing bigyan ang SUCs ng kinakailangang pasilidad para sa mga estudyanteng visually-impaired, hearing-impaired, speech-impaired, at orthopedically-impaired.

Samantala, naka-ugnay daw ang panukalang batas sa Convention on the Rights of Persons with Disabilities na opisyal na pinagtibay ng bansa noong Abril 15, 2008.

Binigyang-diin din ni Villar ang naitala ng National Disability Prevalence Survey noong 2016, kung saan 12% ng mga Pilipino edad 15 pataas ay nakaranas ng severe disability, 47% ang may moderate disability, habang 23% naman ang nagkaroon ng mild disability.