Wala umanong pakialam ang batikang aktres na si Sylvia Sanchez sa bashers ng kaniyang anak na si Ria Atayde matapos itong maging calendar girl ng isang sikat na liquor brand.

Mas importante umano kay Ibyang (palayaw ni Sylvia) ang kaligayahan ng kaniyang anak sa pagkakapili rito bilang print-ad model, kaysa sa sasabihin ng mga taong walang "mukha" o profile sa kanilang social media accounts, ayon sa panayam sa kaniya ng mga showbiz reporter sa isang event sa Pampanga.

"Masaya ang buhay ng anak ko, masaya kaming pamilya. Okay ang anak ko. So bakit ko iintindihin ‘yung mga taong bashers na mga walang mukha?” diretsahang sagot ni Sylvia.

"Mas priority ko ang kaligayahan ng anak ko, mas importante sa akin si Ria kaysa sa mga bashers. Ngayon may kasabihan nga, kapag inggit, pikit!”

Ria Atayde, calendar girl na; Sylvia Sanchez, proud mom!

Natuwa raw si Sylvia sa tema ng liquor brands na "body positivity". Naipaliwanag daw sa kanila na ang pagiging sexy ay hindi lamang sa pagiging skinny o payat. Para sa beteranang aktres, ang pagiging sexy ay nakasalalay sa pagiging mapagkalinga sa kapwa, pagiging mabuting tao, at pagiging matalino.

"Ang katawan kasi puwede kasi ‘yan i-exercise eh, puwede kang maging sexy. Pero para sa akin, ang kabuoan ng pagiging sexy sa akin, kung mabuti kang tao. Ang sexy sa akin ang puso ng tao," paliwanag pa ni Ibyang.

Bukod sa pagiging calendar, inamin na rin ni Ria ang relasyon nila ng Kapamilya actor na si Zanjoe Marudo. Botong-boto naman si Ibyang para kay Zanjoe, na inilarawan niya bilang mabait at magalang na lalaki.