Matapos lumabas ang official trailer at poster ng "Ako si Ninoy" ni Atty. Vince Tañada, tila nagparinig naman ang direktor ng makakatapat nitong pelikulang "Martyr or Murderer" na si Direk Darryl Yap.

Sinasabi kasing ang "Ako si Ninoy" ni Atty. Vince, at ang pelikulang "Oras De Peligro" ni Direk Joel Lamangan ang "babangga" umano sa kaniyang pelikulang second installment ng matagumpay na pelikulang "Maid in Malacañang (MiM)".

"Wait lang po, shinoshoot pa yung sasabitan n'yo," pahayag ni Yap sa kaniyang Facebook post. Bagama't wala namang tinukoy na pamagat ng pelikula, naniniwala ang mga netizen na ang dalawang pelikula/direktor ang pinasasaringan ni Yap.

Atty. Vince Tañada sa 'Ako si Ninoy': 'Pelikulang tatapos sa lahat ng kasinungalingan!'

Batay sa mga post ng direktor ay mukhang nasa Morocco ang kaniyang team para sa shooting.

Sa isa pang Facebook post, mukhang napanood na ni Yap ang official trailer ng pelikula.

"Gayang-gaya naman yung #MiM hahahaha! Taenang tae ’to, di na lang namatay kaninang 9:30pm."

Sa comment section ay nagkomento ang GMA headwriter na si Suzette Doctolero:

"Wala, soulmate mo ata 'yan. Hahahaha," anang Suzette na siyang may likha ng "Maria Clara at Ibarra".

Nagkomento rin dito ang komedyanteng si Juliana Parizcova Segovia.

"Sumabay na, gumaya pa… sakit nila sa gums," anang Juliana.