Agad na sinagot ng tinaguriang "Asia's Limitless Star" ng GMA Network na si Julie Anne San Jose ang komentong tweet ng isang tagahanga, na kung susumahin daw, mas mahusay pa raw sa aktingan ang singer-actress kaysa sa tinaguriang "Queen of Soap Opera" na si Judy Ann Santos-Agoncillo ng ABS-CBN.

Hindi rin naman kasi maitatatwang mahusay at humusay na sa aktingan si Julie Anne, na gumaganap ngayon bilang Maria Clara sa hit teleseryeng "Maria Clara at Ibarra" na reimagined version ng nobelang "Noli Me Tangere" ni Dr. Jose Rizal.

"Grabe walang sinabi si Mara- Judy Ann Santos kay Maria Clara- Julie Anne San Jose. Si Juday, magaling lang lumuha pero hindi nakakadala. Si Julie Anne tagos bawat salita! Napakahusay!” tweet ng isang netizen.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

Screengrab mula sa Twitter

At siyempre, hindi naman pumayag ang Team Juday kaya sinagot nila ang tweet na ito ng netizen.

Bago pa lumala ang "gulo" sa pagitan ng fans ay pumagitna na rito si Julie Anne.

"Hello po, hindi po totoo ito. I look up to Ms. Judy Ann, isa po siya sa pinakahinahangaan at pinapanood ko simula bata pa ako, at marami pa po akong kakaining bigas. Itigil na po natin ito, salamat.”

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Juday patungkol dito.

Samantala, burado na ang tweet ng fan ni Julie Anne matapos ang kaniyang paglilinaw.

Screengrab mula sa Twitter account ni Julie Anne San Jose