"Napaka-humble mo talaga, kaya love na love ka namin!"
Isa sa mga maituturing na bankable actress hindi lamang sa ABS-CBN kundi maging sa Pilipinas ang award-winning actress na si Jodi Sta. Maria, dahil ilang beses na niyang pinatunayang kahit na anong role ang ibato sa kaniya---mapa-mahirap, mayaman, bida o kontrabida, ay kayang-kaya niyang dalhin.
Kaya naman, tuwang-tuwa ang mga tagahanga at tagasuporta niya sa kaniya, hindi lamang sa pagiging mahusay na aktres, kundi sa kababaang-loob na kaniyang ipinamamalas.
Una na rito ang pagkupkop niya sa isang kuting na naispatan niyang palakad-lakad sa loob ng airport. Pinangalanan niya itong "Naia" (Na-ya). Kuwento niya, napagalitan pa raw siya ng lalaking pasahero dahil akala raw nito ay pinababayaan niya ang alagang pusa.
Sa madaling sabi, mukhang hindi nakilala ng naturang lalaki si Jodi.
Sa panibago niyang tweets, ibinahagi ni Jodi na sa ibang bansa, "walang big star, big star," dahil kung sa Pilipinas ay isa siyang sikat na aktres, sa ibang bansa naman ay pumapayag siyang maging "litratista" ng mga dayuhang turista, na nagre-request na kuhanan sila ng litrato.
"Sa Maynila artista. Sa ibang bansa, litratista ng mga tanawin at turista. Magandang umaga," ani Jodi.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Suwerte naman ng mga nagpa-picture, eh isang ASIAN BEST ACTRESS IN A LEADING ROLE ba naman mag-picture sa'yo ehh."
"Kaya mahal kita Jodz napaka-humble mo. Enjoy ka lang at ingat lagi."
"Sa Maynila Best Actress. Sa ibang bansa Best Photographer hahaha labyuuu."
"Gandang litratista naman niyan!"
Ayon sa mga komento, si Jodi ay nasa bansang Taiwan ngayon.