Tiniyak ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia nitong Linggo na ipupursige nila na mabigyan ng dagdag na honoraria ang mga gurong magsisilbi bilang board of election inspectors (BEIs) sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon kay Garcia, ipapakiusap nilang muli sa Kongreso na maglaan ng supplemental budget upang madagdagan ang honoraria ng mga naturang guro.

“Talagang ipupursige ng Commission on Elections na mabigyan sila ng dagdag na honoraria. ‘Yan po ay ating ipakikiusap sa Kongreso kapag tayo nakiusap sa kanila para supplemental budget para sa barangay at SK elections,” ani Garcia, sa panayam sa radyo.

“‘Yan ang ating panawagan at sana tayo’y mapakinggan sa bagay na ‘yan [para sa] kapakanan ng ating guro. Mas mahirap ang trabaho kapag Barangay at SK elections dahil hindi automated. Mano-manong binibilang ng ating guro ang mga balota,” aniya pa.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ayon kay Garcia, sa ilalim ng orihinal na rate, ang mga Electoral Board chairpersons ay tatanggap ng P6,000; P5,000 naman para sa Electoral Board members; at P4,000 para sa precinct workers.

Nabatid na noong 2022, ang Comelec ay binigyan ng P8.4 bilyong pondo para sa naantalang halalan noong Disyembre.

Dahil naipagpaliban ang halalan hanggang sa taong ito, hihingi muli ang Comelec sa Kongreso ng karagdagang P10 bilyon pa para maidaos ang BSKE sa Oktubre.

Gayunman, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang Kongreso ay naglaan lamang ng P2.7 bilyon sa ilalim ng national budget ngayong taon.

Ani Garcia, ito’y sapat lamang para bayaran ang orihinal na honoraria rate ng mga gurong magsisilbi sa halalan.

Nitong Sabado, una nang sinabi ni Garcia na walang magaganap na pagtaas sa honoraria ng mga guro matapos na hindi maaaprubahan ang karagdagang budget para dito.