Isang mananaya mula sa lalawigan ng Iloilo ang nakasungkit ng₱49.5 milyong jackpot prize ng UltraLotto 6/58 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi.

Sa abiso ng PCSO nitong Sabado, nabatid na matagumpay na nahulaan ng mapalad na mananaya ang six-digit winning combination na 24-39-31-19-42-13 ng UltraLotto 6/58 kaya’t naiuwi nito ang katumbas nitong premyo na₱49,500,000.

Eleksyon

COC Filing DAY 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles, nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Iloilo City.

Pinayuhan naman ni Robles ang mapalad na mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City upang makubra ang kanyang premyo.

Kinakailangan din aniya nito na iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong ID.

Samantala, mayroon rin namang 12 indibidwal ang nakakuha sa second prize na P120,000, matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.

Nabatid na wala namang nanalo sa MegaLotto 6/45 na binola rin nitong Biyernes, na may jackpot prize na halos P39 milyon at may winning combination na 45-28-39-05-34-21.

Umabot naman sa 33 ang nanalo ng second prize sa nasabing draw na may tig-₱32,000, matapos na makahula ng tig-limang tamang numero.

Matatandaang nitong Huwebes lang, isang mananaya ang nanalo rin ng₱79.1 milyon matapos tamaan ang winning combination sa SuperLotto 6/49 na 17-19-31-13-47-34.

Ang lucky ticket ay binili ng mapalad na mananaya sa Maynila.

Noong Martes naman, isang mananaya rin ang nakakuha sa P35 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42.

Ang UltraLotto 6/58 ay binobola tuwing Martes, Biyernes at Linggo habang ang SuperLotto 6/49 naman ay binobola tuwing Martes, Huwebes at Linggo.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes habang ang Lotto 6/42 ay tuwing Martes, Huwebes at Linggo.