Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan ng graft at perjury ang ilang opisyal ng Department of Budget and Management’s Procurement Services (PS-DBM) at Department of Education (DepEd) kaugnay sa umano'y pagkakasangkot sa sinasabing maanomalyang pagbili ng mga laptop na "overpriced" at "lipas na sa panahon." 

Ito ay kasunod ng report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsasabing overpriced ng ₱979 milyon ang proyektong pinasok ng DepEd at PS-DBM noong 2021.

Binili ng ₱2.4 bilyon ang mga nasabing laptop na gagamitin sana ng mga pampublikong guro sa kanilang blended learning sa kasagsagan ng pandemya ng coronavirus disease 2019.

Paliwanag ni committee chairman Senator Francis Tolentino, ang committee report ay pirmado ng 12 na senador, kabilang na sina Senator Aquilino “Koko” Pimentel III at Senator Risa Hontiveros.

National

VP Sara sa kaniyang plano sa politika: ‘It is always God’s purpose that shall prevail!’

Kabilang sa pinakakasuhan ng paglabag sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act (Republic Act 3019) sina dating DepEd Undersecretary Alain del Pascua, Undersecretary Annalyn Sevilla, dating Assistant Secretary Salvador Malana III, Director Abram Abanil, dating DBM-PS OIC Executive Director Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM OIC Executive Director Jasonmer Uayan, Bids and Awards Committee (BAC) Chairman Ulysses Mora, gayundin ang iba pang miyembro ng SBAC 1 at SBAC technical working group at secretariat ng DepEd o PS-DBM, at Engr. Marwan Amil.

Inirekomenda ring kasuhan ng falsification of public documents sina Sevilla at DepEd former executive assistant Alec Ladanga.

Pinakakasuhan din ng perjury sina Sevilla, Pascua, Malana, Lao at Uayan.

Hindi isinama sa pinakakasuhan si dating DepEd Secretary Leonor Briones na "ginamit" lang sa transaksyon, ayon kay Tolentino.

Matatandaang binanggit ng Commission on Audit (COA) sa kanilang annual audit report na kuwestiyunable ang pinasok na transaksyon ng DepEd at PS-DBM dahil sa "overprice" na mga laptop salungat sa kanilang budget.

Mahigit sa 28,000 na guro ang hindi nakinabang sa proyekto.

Hannah Torregoza