Isang person with disability (PWD) ang patay nang makulong sa nasusunog niyang tahanan sa Tondo, Manila nitong Lunes ng madaling araw.

Hindi na halos makilala ang biktimang si Lovely de Guzman, 30, isang autistic, at residente ng 3281 Villarey Building, Matang Tubig, Tondo, dahil sa pagkasunog ng itaas na bahagi ng kanyang katawan.

Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsimula ang sunog sa Villarey Building, Matang Tubig, Tondo.

Umabot lamang naman ang sunog sa unang alarma at idineklarang fireout dakong alas-3:04 ng madaling araw.

National

Rep. Paolo Duterte, ‘negatibo’ sa hair follicle drug test

Ayon kay FSInsp Charles Bacoco, hepe ng SRF-MFD, nadiskubre nila ang bangkay ng biktima sa loob ng tahanan nito, na nasa ikalawang palapag ng gusali, habang nagsasagawa ng retrieval operation.

Sa pagtaya ng mga otoridad, aabot sa 40 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog.

Wala umanong nailigtas na anumang gamit ang mga ito dahil kasalukuyang silang natutulog nang maganap ang sunog.

Nang magising umano sila ay malaki na ang apoy, naging mabilis ang pagkalat nito dahil sa gawang light materials na kabahayan dahilan para agad silang lumikas na lamang.

Nabatid na ang naturang lugar ay dati umanong palengke na tinayuan ng mga paupahan sa loob.

Anang mga okupante nito, ang gusali ay na-foreclosed na ng bangko ngunit pinayagan muna silang pansamantalang manatili doon ng dating may-ari habang wala pa silang malipatan.

Naghihintay na lamang rin umano sila ng opisyal na komunikasyon mula sa bangko at handa na silang bakantehin ang lugar.

Masusi pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang pinagmulan ng apoy at kung magkano ang halaga ng mga ari-arian na napinsala nito.

Hinala naman ng mga residente na nagsimula mismo ang sunog sa bahay ng nasawing biktima.