ZURICH, Switzerland - Payag si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na makipag-usap kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy sa gitna ng napaulat na tinanggihan umano nito ang kahilingan ng Kyiv (kabisera ng Ukraine) na magkaroon sila ng phone conversation.

Ito ang paglilinaw ni Marcos bilang tugon sa pahayag ni Ukrainian Charges D’Affaires of the Embassy of Ukraine in Malaysia Denys Mykhailiuk na nabigo sila nang subukang gumawa ng hakbang upang mag-usap ang dalawang lider mula pa nang maupo sa puwesto ang una noong Hunyo 2022.

“There was talk of it a couple of months ago pero wala lang napag-usapan. That’s why nagulat kami when the special envoy came out and said na hindi ko sinasagot,” pagbibigay-diin ni Marcos habang patungong Davos, Switzerland ang delagado nito upang dumalo sa World Economic Forum (WEF).

“Sinagot namin, but we couldn’t get it scheduled,” pahayag ng Pangulo at sinabing pumapayag naman silang makipag-usap kay Zelenskyy.

National

'Julian' malapit nang maging 'super typhoon'; Signal No. 4, itinaas sa 2 lugar sa Luzon

“I have no problem talking with President Zelenskyy, especially now na mainit na 'yung giyera doon sa kanila," paglilinaw ni Marcos.

Nauna nang kinastigo ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Mykhailiuk kaugnay ng pahayag nito at sinabing isa itong "undiplomatic."

Gayunman, hindi nilinaw ni Marcos kung sinusuportahan nito ang isinusulong na 10-Point Peace Plan ng Ukraine.

Layunin ng naturang peace plan na tiyaking igalang ng Russia ang territorial integrity ng Ukraine, gayundin ang pagtatanggal ng tropa nito sa nasabing bansa.

Nanawagan din ang Pangulo na magkaroon na ng kapayapaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Argyll Cyrus Geducos