Isang matandang lalaking naka-survive sa stroke ang namataang naglalako ng kaniyang mga panindang maruya sa lansangan, kahit tirik na tirik ang araw, sa isang lugar sa Puerto Princesa City sa Palawan.

"Sakaling madaanan ninyo si Tatay Wilfredo na tinutulak ang kaniyang paninda, bilihan n'yo naman siya para may makain siya sa maghapon," pakiusap sa mga taga-Palawan ni Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco na siyang nagbahagi ng kuwento ni Tatay Wilfredo sa social media.

Ayon sa ulat, napag-alaman ng konsehal na si Tatay Wilfredo pala ay na-stroke at gumaling naman noong 2015. Iniwan na aniya siya ng kaniyang misis at mga anak kaya mag-isa na lamang siyang namumuhay ngayon. Kinakailangan niyang kumayod upang may makain sa pang-araw-araw. Kaya ang ginagawa niya, bumibili siya ng mga lutong banana cue at maruya at inilalako ito.

Nangako naman umano si Damasco na tutulungan ang matanda ng lokal na pamahalaan.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Saludo naman ang mga netizen sa kasipagan at katatagan sa buhay ni Tatay Wilfredo na patuloy na lumalaban.

"Saludo po ako sa inyo, tatay."

"May God bless you po tatay. Stay strong and healthy!"

"Mabuti pa si tatay, kahit nahihirapan na, gora pa rin magbanat-buto, hindi kagaya ng iba na tatamad-tamad na nga, puro pa reklamo sa buhay."

Nanawagan naman ang konsehal na bagama't idudulog nila sa lokal na pamahalaan ang kalagayan ni Tatay Wilfredo, malaking tulong din ang bayanihan ng madlang pipol para sa kaniya. Para daw sa mga nais magbigay o magpaabot ng tulong, mangyaring makipag-ugnayan lamang daw sa kaniyang social media account.