Naalala ni Puerto Princesa Councilor Elgin Robert L. Damasco ang yumao at dating appointed Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Gina Lopez matapos makaranas ng pagbaha ang naturang lugar matapos ang buhos ng pag-ulan kamakailan.

"Naalala ko si former DENR Secretary Gina Lopez. Hindi siya nagkamali sa kaniyang pananaw," ani Damasco, na ang tinutukoy ay ang pilosopiya ni Lopez na pangalagaan ang kalikasan dahil matindi ang balik o ganti nito sa sangkatauhan.

"Mga kababayan natin sa Brooke's Point at karatig Bayan. Nasa kamay ninyo nakasalalay ang kaligtasan ng inyong Bayan, mamamayan at ng inyong mga pamilya," paalala niya.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Tila sumang-ayon naman dito ang mga netizen, lalo na ang mga taga-Puerto Princesa. Anila, ang dahilan ng di-inaasahang pagbaha ay ang iba't ibang aktibidad sa lugar kaya ng pagmimina at ilegal na pagtotroso.

"Huli na ang lahat… naniningil na ang kalikasan…. ang tao maniniwala lang kapag nangyayari na… 'yan ang sukli sa pagmimina at illegal logging."

"Itigil na ang ilegal na pagmimina!"

"Tama po kayo, sana wag na po hayaan na mangyari ulit ang ganun kalaking baha. Babaha man hindi ganun kalala. Stop mining na po, maawa po sana sila sa mga batang maliliit na nangangarap para sa kanilang kinabukasan at nangarap para sa sarili nila bayan."

Matatandaang noong panunungkulan ni Lopez ay marami siyang naipasarang kompanya ng pagmimina na aniya ay nakasisira nang malala sa kalikasan. Si Lopez ay itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kaniyang adbokasiya at legasiya hinggil sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran.

Hindi natapos ni Lopez ang kaniyang panunungkulan matapos "ligwakin" sa pagdinig ng Commission of Appointments (CA) dahil umano sa "controversial policies" at "alleged incompetence".