Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Enero 9, 2023, na nasa 3,127 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala nila sa bansa mula Enero 2 hanggang 8, 2023 lamang.

Batay sa National COVID-19 case bulletin na inilabas ng DOH, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso kada araw ngayong linggo ay nasa 447.

Ito ay mas mababa ng 9% kumpara sa mga kasong naitala noong Disyembre 26 hanggang Enero 1.

Sa mga bagong kaso, pito ang may malubha at kritikal na karamdaman habang mayroon namang naitalang 79 na pumanaw, kung saan 17 ay naganap noong Disyembre 26 hanggang Enero 8.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, iniulat rin ng DOH na noong Enero 8, 2023, mayroon nang kabuuang 507 malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa COVID-19.

Sa 2,379 ICU beds para sa mga pasyenteng may COVID-19, 431 (18.1%) ang okupado habang 4,185 (21.6%) ng 19,373 non-ICU COVID-19 beds naman ang kasalukuyan ding ginagamit.

Anang DOH, mahigit 73 milyong indibidwal o 94.48% ng target na populasyon na ang bakunado na laban sa COVID-19 habang 21 milyong indibidwal naman ang nakatanggap na ng kanilang booster shots.

Nasa 6.9 milyong senior citizens o 79.46% na rin ng target A2 population ang nakatanggap na ng kanilang primary series.

Patuloy namang pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng COVID-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1. Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng COVID-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster,” anang DOH.