Isang panalo na lamang ang hinihintay ng Ginebra San Miguel upang maiuwi nito ang kampeonato laban sa guest team Bay Area Dragons.
Ito ay matapos biguin ng Gin Kings ang Dragons, 101-91, sa Game 5 ng kanilang PBA Commissioner's Cup Finals series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City na dinumog ng halos 22,000 fans nitong Linggo ng gabi.
Dinala ni Stanley Pringle sa panalo ang Ginebra sa pamamagitan ng sunud-sunod na tres nito sa fourth period na nagpreserba sa 97-86 na bentahe ng koponan.
Kumana si Pringle ng 20 puntos, tampok ang anim na tres nito.
Napilitang kumayod si Pringle matapos magkaroon ng injury si LA Tenorio sa third period.
Bukod kay Pringle, naka-double digit din si Justin Brownlee sa nahakot na 37 puntos, dagdag pa ang 12 ni Japeth Aguilar.
Tatapusin na ng Gin Kings ang serye sa kanilang Game 6 sa Araneta Coliseum sa Miyerkules, Enero 11, upang tuluyang masikwat ang kampeonato.