Kung trending gabi-gabi ang bawat episode ng fantasy-drama series na "Maria Clara at Ibarra" ng GMA Network, na malikhaing pagsasabuhay ng walang kamatayang nobela ni Dr. Jose Rizal na "Noli Me Tangere", mas lalong pinag-usapan ang episode nitong gabi ng Biyernes, Enero 6, dahil sa "pagtindig" ng ilang mga karakter para dinggin ang pagkakamit ng hustisyang panlipunan.
Ayon sa itinatakbo ngayon ng kuwento, may ilang detalye sa Noli ang "nabago" ni Klay, ang karakter na ginagampanan ni Barbie Forteza, na siyang representasyon ng kasalukuyang panahon at kabataang nakapasok sa mundo ng naturang nobela.
Makikitang isa-isang nanindigan sa pagbabagong panlipunan ang mga karakter ng nobela/serye na sina Crisostomo Ibarra, Maria Clara, Pilosopo Tasyo, Elias, maging ang mga dagdag na karakter gaya nina Klay, Fidel, at iba pa.
Mas lalo pang pinag-usapan ang caption ng Facebook page ng GMA Drama.
"Ang mga namulat ay hindi na muling pipikit. ✊ #MariaClaraAtIbarra #MCIDingginNiyoKami," ayon sa caption.
Maging ang tweet ni "Maria Clara" na ginagampanan ng actress-singer na si Julie Anne San Jose ay naging usap-usapan din.
"Titindig at di na muling pipikit lesgoooooo #MCIDingginNiyoKami," aniya.
Anang mga netizen, napapanahon ang ipinamamalas ng serye dahil hanggang ngayon, hindi pa tuluyang gumagaling ang "kanser ng lipunan" na sinikap ilantad at salingin ni Rizal; nagkakaiba sa panahon subalit pareho lamang ng mukha.
Looking forward ang mga manonood sa lalo pang tumitinding mga eksena at tagpo sa MCI dahil tatawid na umano ang kuwento sa pangalawang nobela at sequel ng Noli---Ang El Filibusterismo.
Sa kabila ng mga positibong reaksiyon at komento patungkol sa naturang episode, isang retiradong propesor naman na si Dr. Lakandupil Garcia ang naglabas ng kaniyang saloobin patungkol dito.
Aniya, pawang magaganda ang episodyo ng MCI at tinatanggap niya ang ilang mga eksena o tagpong wala naman sa orihinal na nobela, subalit tila "nabagabag" siya sa trending na episode nitong nagdaang Biyernes.
Narito ang kaniyang buong Facebook post:
"Napanood ko ngayon ang episodyo ng MARIA CLARA at IBARRA. Sinubaybayan ko ito bilang propesor ng wika at panitikan. Maganda at mahusay ang mga nagdaang episodyo kahit sabihin pang may mga bahaging WALA sa orihinal na nobela. Iginagalang ko ang estilong ito."
"Ngunit sa gabing ito, totoong nabagabag ako. Bakit? Dahil kapag hindi maging maingat ang guro at maging hindi mapanuri ang mga estudyante (lalo pa't tulad ni Bb. Klay ay tamad magbasa) baka hindi na malaman sa talakayang pangklase KUNG ALIN ANG ORIHINAL NA NILALAMAN NG NOBELA laban sa MALIKHAING PRESENTASYON/PRODUKSYON ng GMA 7."
"Partikular kong tutukuyin ang eksenang TUMAYO SI MARIA CLARA SA IBABAW NG UPUANG PANSIMBAHAN, NAKATAAS ANG KANANG KAMAY NA ANYONG PASUNTOK HABANG SUMISIGAW NG 'DINGGIN N'YO KAMI!' Saan sa nobela mababasa ito???"
"Tulad ng sinabi ng karakter ni Lou Veloso (bilang propesor ni Bb. Klay)… 'HINDI KO NA ALAM ANG MAAARING MANGYARI!'"
"Ang isa ko pang ikinababahala ay ang MARAMING HINDI NAKABASA, MALI ANG BASA AT AYAW BASAHIN ANG ORIHINAL… paano nila ito uunawain at ipaliliwanag sa kani-kanilang kaanak na nag-aaral o nagtatanong? Maihihiwalay ba nila ang orihinal sa halaw?"
"Baka bumangon na si Rizal mula sa hukay dahil sa ginagawang ito sa kaniyang dakilang nobelang NOLI ME TANGERE…" anang propesor.
Ayon sa panayam ng Balita Online sa retiradong propesor, nililinaw niyang hindi siya "kalaban" o basher ng teleserye.
"Pero maunawaan sana nilang DI AKO KALABAN NG TELESERYE... nababagabag lang ako sa nagiging resulta," aniya.
Si Dr. Lakandupil Garcia ay nagturo ng 'Literary Criticism' sa undergraduate at graduate program ng De La Salle University-Dasmariñas, Cavite (31 taon) gayundin sa Far Eastern University (FEU)-Manila (7 taon).
Aktibo rin siya sa iba't ibang mga samahan o organisasyong pangwika at pampanitikan at nagbibigay ng seminar sa mga guro at dalubguro ng wika at panitikan.
Si Garcia ay nagbigay na rin ng kaniyang saloobin noon patungkol sa kainitan ng isyu hinggil sa pagpapalit ng pangalan ng bansa. Aniya, ang pagsulong na tawaging "Filipinas" ang "Pilipinas" ay paurong, sapagkat bumabalik lamang daw ang bansa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol, ayon sa panayam sa kaniya ni Prof. Winnie Monsod.