Nasamsam ng pulisya ang P714,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu mula sa dalawang drug suspect sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan nitong Biyernes, Enero 6.
Kinilala ni Lt. Col. Renato Castillo, Northern Police District-District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) chief, ang mga suspek na sina Farok Carnabal at Akim Basher, parehong 18-anyos, at high-value individuals (HVI).
Ayon sa police report, isinagawa ng NDP-DDEU ang buy-bust operation nitong Biyernes dakong 2:05 PM.
Nahuli ang mga suspek sa kanilang tahanan sa Barangay 188, Caloocan City.
Narekober din sa mga suspek ang dalawang transparent plastic bags at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng 105 grams ng umano'y shabu na may halagang P714,000.
DInala na ang mga naarestong suspek sa tanggapan ng NPD-DDEU para sa pagsasampa ng mga kaso kaugnay sa paglabag sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa pulisya.
Diann Calucin