Pupuwersahin ng Barangay Ginebra San Miguel na masikwat ang ikatlong panalo laban sa guest team na Bay Area Dragons sa Game 4 ng kanilang PBA Commissioner's Cup Finals series ngayong Biyernes ng hapon.

Nakatakda ang Game 4 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City dakong 5:45 ng hapon.

Huhugot muli ng lakas ang Gin Kings sa kanilang fans katulad ng nangyari sa Game 3 kung saan sila nakahabol mula sa 14 puntos na bentahe ng Dragons.

Gagamitin muli ni Ginebra head coach Tim Cone ang kanilang resident import na si Justin Brownlee na humakot ng 34 puntos sa 89-82 na panalo ng koponan laban sa Dragons nitong Miyerkules, Disyembre 4.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Inaasahang aagapay kay Brownlee sina Jamie Malonzo,Christian Standhardinger, Scottie Thompson at LA Tenorio.

Tutulong din sa kanila sina Japeth Aguilar at Stanley Pringle.

Nauna nang kinumpirma ni PBA Commissioner Willie Marcial na maglalaro pa rin sa Game 4 si Bay Area import Andrew Nicholson sa kabila ng injury nito sa laro nila nitong Game 3.

Napilay ang kaliwang bukung-bukong ni Nicholson matapos matapakan ang paa ni Malonzo sa agawan sa bola 31 segundo na lang ang natitira sa final period.

Sinabi ni Marcial, walang abiso o pasabi ang Bay Area na magpapalit sila ng import hanggang sa matapos ang deadline nila nitong Huwebes ng hapon.