Kung pinag-usapan noong nakaraang taon ang matagal nang "blind item" ng beterana at premyadong aktres na si Dina Bonnevie tungkol sa isang nakatrabahong aktres na tinalakan niya dahil late nang dumating sa set, muling nahagilap ng mga netizen ang video ng panayam sa kaniya ng isang entertainment site patungkol naman kay "The Voice Kids" Grand Winner Lyca Gairanod.

Matatandaang muling naungkat ang video ng panayam kay Dina noon dahil sa podcast ni TV host-actress-vlogger na si Alex Gonzaga, hinggil sa isang "artistang matandang" nambulyaw umano sa kaniya noon.

Dina Bonnevie, 'artistang matandang' tinutukoy raw ni Alex Gonzaga na tumalak sa kaniya?

Bagama't wala naman silang parehong binanggit na pangalan, naniniwala ang mga netizen na ang isa't isa ang tinutukoy nila. Hanggang ngayong tumawid na tayo sa 2023, wala pa ring tugon o reaksiyon ang magkabilang-kampo tungkol dito.

Anyway, patungkol naman kay Lyca, tuwang-tuwa si Dina sa bagets na singer at ibinahagi ang kaniyang naobserbahan dito.

Aniya, natuklasan at nagtataka siya kung bakit bihira lang daw kumain si Lyca kapag tanghalian na sa set.

"Si Lyca, nakakatuwa siya kasi, hindi siya masyadong kumakain, pag breaktime tulog, tapos kapag nagising naman, hataw-kain… one time, isang beses lang siyang kakain sa isang araw," ani Dina.

Nakakatsikahan din umano niya ang singer kapag wala silang take o kapag breaktime. Natutuwa raw siya sa kuwentuhan nila kapag gising ito. Napagkuwentuhan na nga raw nila ang kanilang mga kuwento ng buhay, lalo na sa parte kung paano ba sila nagsimulang makapasok sa showbiz.

Sey naman ng mga netizen, iba raw talaga kapag nagustuhan ka ng isang Dina Bonnevie. Ibig raw sabihin nito, talagang mabuting bata si Lyca at walang attitude.