Iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng 85 bagong kaso ng fireworks-related injuries (FWRI) sa pagsalubong ng Bagong Taon nitong Linggo.
Sa isang press briefing, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na umabot sa 137 ang kabuuang bilang ng fireworks-related injuries na naitala nila mula Disyembre 21 hanggang Enero 1, 2023. Ayon kay Vergeire, ito ay 15% na mas mababa kumpara sa 162 kaso na naitala noong 2021.
Mas mababa naman ito ng 46% kumpara sa five-year average na 256 cases.
Base sa pinakahuling FWRI surveillance report ng DOH, nabatid na 64 sa mga naturang kaso ay mula sa National Capital Region (NCR), 16 ang naitala sa Western Visayas at 12 naman sa Central Luzon.
Nasa 10 kaso naman ang naitala sa Ilocos Region, siyam sa Bicol Region, pito sa Calabarzon, lima sa Cagayan Valley, apat sa Soccsksargen, at tatlo sa Central Visayas.
Nakapagtala naman ng tigdalawang kaso ang Mimaropa at Davao Region, habang tig-isa ang Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa kabuuang bilang, 49 naman ang mga biktimang nagtamo ng sugat sa kamay, 41 ang nasugatan sa mata, 20 sa binti, 14 sa ulo, at 11 sa hita.
Anim sa mga biktima ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan dahil sa tinamong blast o burn injuries.
Ang 71 sa mga biktima ay nasugatan sa paputok habang nasa kalsada habang 62 naman ang nasugatan habang nasa bahay.
“Kumpara noong nakaraang taon, mas maraming kaso ang naitala sa kalsada kaysa sa bahay ngayong taon. Marahil dahil ito sa increased mobility at pagluwag ng ating mga COVID restrictions,” ani Vergeire.
Aniya pa, 23 sa mga biktima ang umano'y lasing nang maganap ang insidente.
Ang mga pangunahing paputok naman na sangkot sa pagkasugat ay ang boga, kwitis, 5-star, whistle bomb, at super lolo. Ang boga at 5-star ay parehong ikinukonsidera bilang illegal fireworks.
Wala namang iniulat na firework ingestion at wala ring iniulat na namatay dahil sa pagpapaputok o ligaw na bala