Sumagot na ang tatay sa isang viral post na umani ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen dahil sa kaniyang pagbili ng diaper at gatas ng kaniyang anak.

Ibinida niya sa kaniyang Facebook post na okay lang na wala na siyang pambili para sa sarili, basta't may diaper at gatas naman ang kaniyang supling.

"Di baleng hindi ko mabili yung mga gusto ko basta alam kong may gatas at diaper ang anak ko," aniya sa post na may "feeling blessed" pa.

Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

Screengrab mula sa FB ni CJ Alih

Sey ng mga netizen na nambabash sa kaniya, responsibilidad talaga ng mga magulang na gaya niya ang pandiaper at gatas ng kaniyang mga anak, at hindi na kailangang i-post pa ito sa social media.

Pagtatanggol naman ng iba pa, wala naman daw masama sa sinabi ng naturang tatay. Sa panahon daw ngayon na maraming iresponsableng magulang, may kagaya niyang mas iniisip ang kapakanan ng mga anak kaysa magbuhay-binata. Sana raw ay magsilbing inspirasyon sa iba.

Ipinagtataka ni CJ Alih, ang naturang tatay, kung bakit maraming bashers ang kaniyang post gayong wala aniya siyang masamang intensiyon sa kaniyang post.

"Sa mga ayaw sa akin, okay lang. Wala naman akong karapatang magalit sa kanila. Intindihin ko na lang na hindi nila naintindihan yung post ko," aniya sa isang panayam.

Proud lamang aniya siya sa ginawa niya dahil first baby raw niya ang kanilang anak ng misis.

Batay sa kaniyang profile, isang elementary teacher si CJ sa isang pampublikong paaralan sa Zamboanga City.