Marami raw ang napapatanong na netizen at showbiz insiders kung bakit napasama sa listahan ng mga nominado sa pagka-Best Actress sa naganap na "Gabi ng Parangal" ng 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) ang co-star ni Vice Ganda sa "Partners in Crime" na si Ivana Alawi.

Ayon sa ulat ng isang pahayagan, isang impormante ang tsumika sa kanilang isiningit lang daw ang pangalan ni Ivana sa listahan, at ang nakapagtataka raw, hindi raw kasama sa mga nominado ang mga bigating artista ng pelikulang "Family Matters" na sina Liza Lorena, Nikki Valdez, Mylene Dizon, at Agot Isidro.

Sa huli, ang itinanghal na MMFF Best Actress ngayong taon ay si Nadine Lustre ng pelikulang "Deleter".

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang pamunuan ng MMFF tungkol dito.

Agot Isidro, medyo dismayado sa Gabi ng Parangal; nagpasalamat sa good reviews sa 'Family Matters'

Matatandaang nagpahayag na rin ng pagkadismaya si Agot sa naging resulta ng Gabi ng Parangal. Aniya, hindi man lamang daw napansin ang ilang aspeto ng kanilang pelikula para sa iba't ibang kategorya.

Bagama't tumatabo at number one sa takilya ang Partners in Crime, olats naman ito sa Gabi ng Parangal.