Nagbigay ng reaksiyon at komento ang dating Hashtag member na si Nikko Natividad sa naging pabirong hirit ng komedyanteng si Alex Calleja hinggil sa pagtaas ng presyo ng kilo ng sibuyas, na nasa ₱600 na.

Ibinahagi ni Alex sa kaniyang Instagram post kahapon ng Miyerkules, Disyembre 29, ang litrato ng mga sibuyas kasama ang tag price nito.

Naiugnay ng komedyante ang presyo ng sibuyas sa kilalang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan na siyang nakadiskubre sa Pilipinas.

"Sa mahal ng sibuyas, naintindihan ko na si Magellan bakit siya umikot sa buong mundo para maghanap ng spices!" sey ni Alex.

'Naintindihan na si Magellan! 'Komedyanteng si Alex Calleja, humirit tungkol sa presyo ng sibuyas

Sinegundahan naman siya ng kapwa celebrity na si Nikko Natividad.

"Hindi mo pa hinihiwa naiiyak ka na," komento niya.

Nagbigay rin ng kaniyang hirit tungkol dito ang showbiz columnist na si Ogie Diaz, sa pamamagitan naman ng Instagram story.