Binasag na ni Ogie Diaz ang kaniyang katahimikan hinggil sa naging pahayag ni Kapuso star Bea Alonzo na pinabulaanan umano ni John Lloyd Cruz ang mga kumakalat na tsikang hindi raw niya alam na may reunion movie sila sa ilalim ng Star Cinema, sa darating na 2023.

Ayon kay Bea, nang malaman niya ang tungkol sa balitang ito ay agad niyang tinawagan si John Lloyd upang kumpirmahin kung may nasabi ba itong "fake news" ang kaniyang mga nasabi noon sa media conference ng "Start-Up PH".

"May mga lumalabas na, sinabi raw ni John Lloyd na fake news yung… yung movie namin! Siyempre tinawagan ko siya agad… dahil magkaibigan naman kami, tinawagan ko siya, and he denied that he said that, so…" ani Bea.

Matatandaang ang nag-ispluk na hindi raw alam ni John Lloyd na may reunion movie sila ni Bea ay si Ogie Diaz, na batay naman sa source nito.

'Tinawagan ni Bea!' John Lloyd, itinangging may sinabi raw siyang 'fake news' reunion movie nila

"Naloka si John Lloyd Cruz sa balitang gagawa sila ng pelikula ni Bea Alonzo," sey ni Ogie sa kaniyang showbiz vlog na "Ogie Diaz Showbiz Update".

Nilinaw daw ni JLC na walang ganoong offer, walang lumalapit sa kanila para sa isang proposal, kaya ayaw daw sanang paasahin ng aktor ang kanilang fans, sa isang bagay na wala pa.

"Nahihiya si John Lloyd Cruz na paasahin ang kanilang fans na meron silang comeback movie ni Bea," pahayag pa ni Ogie.

Hindi raw alam ni John Lloyd kung saan nakuha ni Bea ang ideya tungkol dito.

Samantala, sa kaniyang tweets ay sinabi ni Ogie na papatapusin lang niya ang Pasko bago siya sumagot sa isyung ito.

At sa kaniyang latest vlog nga ngayong Disyembre 27 ay sinagot na ito ni Ogie.

"Sana nga fake news," sey ni Ogie.

Marami raw nababasa si Ogie na pinasasaringan siyang nagpapalaganap ng fake news matapos siyang pabulaanan ni Bea. Paglilinaw ni Ogie, ang mga nasabi niya ay batay lamang sa nakarating sa kaniya, mula sa isang source na nakausap ni John Lloyd.

"Eh kung sinasabi ni John Lloyd na wala siyang sinasabing ganoon, eh ano namang magagawa ko?" natatawang sabi ni Ogie. "Di ba? Alangan namang pilitin ko si John Lloyd, 'John Lloyd sinabi mo 'yan!'"

Wish na lang ni Ogie na sana nga ay hindi sinabi ni John Lloyd na "fake news" ang mga binitiwang pahayag ni Bea sa media conference.

Tinanong din umano ni Ogie ang manager ni John Lloyd na si Rambo Nunez, fiance ni Maja Salvador at co-owner ng "Crown Artist Agency", kung matutuloy ba ang Bea-JLC movie.

Ipinakita pa ni Ogie ang screengrab ng kanilang pag-uusap sa chat.

"We don't know yet from our end coz we haven't reached that stage," tugon ni Rambo.

Anang Ogie, masasabing fake news talaga ang isyung ito kung matutuloy ang Bea-JLC reunion movie sa 2023.

Kung tama naman daw si Bea, hindi mangingimi si Ogie na humingi ng dispensa in behalf sa kaniyang source.

Personally, gustong-gusto ni Ogie na matuloy ang reunion movie na ito.

Nilinaw din ni Ogie na wala siyang sama ng loob kay Bea.