Lalong lumalakas ang pag-asa ni Ginebra shooting guard Scottie Thompson na masungkit ang Best Player of the Conference (BPC) award matapos pumasok sa PBA Commissioner's Cup Finals ang kanyang koponan.

Sinusundan pa rin ni Thompson ang nangungunang si NorthPort player Robert Bolick para sa pinakamataas na individual award sa kumperensya.

Taglay ni Bolick ang 33.9 statistical points (sps) habang hawak naman ni Thompson ang 32.1 sps pagkatapos ng semifinals.

Ito na ang tamang pagkakataon ni Thompson upang maipakita na karapat-dapat siya sa award dahil sa pagsabak ng Gin Kings sa best-of-seven series laban sa guest team na Bay Area Dragons.

'Impeach Sara!' Ilang progresibong grupo nagkilos protesta sa harap ng Kamara

Kandidato rin para sa BPC award sina CJ Perez (San Miguel), kakampi ni Thompson na si Jamie Malonzo, at Don Trollano (NLEX).

Nasa top spot naman si Ginebra resident import Justin Brownlee para sa Best Import award, taglay ang 52.7 sps.

Sinusundan siya nina Magnolia import Nick Rakocevic na mayroong 45.5 sps at San Miguel import Devon Scott na mayroon namang 44.8 sps.

Dati nang inokupahan ni Brownlee ang No. 3 spot sa pagsasara ng elimination round.

Magsisimula ang kanilang finals series sa Mall of Asia Arena sa Disyembre 25, dakong 5:00 ng hapon.