Isang taga-Nueva Ecija ang nagwagi ng ₱114.3 milyong jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi.

Sa abiso ng PCSO nitong Sabado, nabatid na matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination na 11-21-01-12-17-03 ng MegaLotto 6/45.

Dahil dito, napanalunan niya ang katumbas nitong jackpot prize na ₱114,327,454.

Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Sto. Domingo, Nueva Ecija.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Upang makubra ang kanyang premyo, kinakailangan lamang ng mapalad na mananaya na magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

Kailangan rin niyang iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong ID.

Ang MegaLotto 6/45 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

Kaugnay nito, hinimok ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang PCSO games, lalo na ang lotto, upang magkaroon na ng tiyansang maging susunod na milyonaryo, ay makatulong pa sa kawanggawa.