Dinepensahan ng social media personality na si Valentine Rosales si actress-TV host-vlogger Alex Gonzaga hinggil sa naging rebelasyon ni showbiz columnist Cristy Fermin, na personal niyang naranasan ang pagiging late nito, noong magkasama pa sila sa showbiz-oriented show na "Juicy" na umere sa TV5.
Ang katwiran daw nina Cristy at iba pang kasama sa naturang show-oriented show, kung hindi pala kaya ni Alex na gampanan ang magkabilang programa, bitiwan niya ang isa sa mga ito.
"Para hindi ka nale-late dito na ang dami-daming naaapektuhan sa pagiging late mo," giit pa ni Cristy. "Tapos darating siya nakasimangot, alam naman natin… naka-tsinelas… hindi nakagayak… ganoon na ganoon sa sinabi ni Dina," naibahagi ni Cristy sa kaniyang co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez sa "Showbiz Now Na".
Naungkat ang pagiging late ni Alex dahil sa isyu ng pinag-uusapang blind items na pinakawalan ni Dina Bonnevie tungkol sa isang artistang napagsabihan niya dahil late at pinaghihintay silang senior stars sa set.
Nagbigay naman ng reaksiyon at komento si Valentine sa ulat ng isang entertainment site patungkol dito. Aniya, nakasama na niya si Alex sa noontime show na "Tropang LOL" at masasabi niyang mabait umano ito.
Tinawag pa niyang "Amacanna lola pahinga mo na 'yan!" si Cristy.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Cristy tungkol dito.