Isa sa mga nagpaabot ng pakikiramay at pakikidalamhati kay Andrew Schimmer sa pagpanaw ng partner nitong si Jho Rovero ay ang batikang TV5 news anchor na si Julius Babao.
Rebelasyon ni Julius sa kaniyang Instagram post ngayong Disyembre 21, kukunin sana silang ninong at ninang sa kasal ng misis niyang si Christine Bersola nina Andrew at Jho. Kalakip ng kaniyang IG post ang screengrab ng mensahe sa kaniya ni Andrew.
"Kami po ay nakikiramay kay Andrew Schimmer at sa kaniyang mga anak at sa pamilya Rovero sa pagpanaw ni Jorhomy. Grabe ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Andrew para masigurong mabubuhay ang kaniyang asawa subalit ipinagkait pa din ito sa kaniya kung kailan papalapit na ang Pasko," ani Julius.
"Hindi ko kayang ipaliwanag ang sakit na kaniyang nararamdaman. Ang alam ko lang si Andrew ay isang mabuting halimbawa ng asawa, isang matapang na nilalang na hindi susuko sa ano mang pagsubok sa buhay."
"Noong isang linggo kinausap ako ni Andrew para tumayong ninong at ninang kami ni @christinebbabao sa kasal nila ni Jorhomy. Ako ay nalulungkot dahil hindi na ito nangyari. Gayunman, tinatanggap pa din naming maging ninong ng kanilang abot langit na pag-iibigan hindi man ito nauwi sa simbahan."
"Ang mahalaga sa mata ng Diyos at ng tao, wagas ang pagmamahalan nilang dalawa. Isang kuwento ng pag-ibig na pag-uusapan sa mga daraan pang mga panahon," ani Julius.
Kahapon, Disyembre 20, ay namaalam na nga sa mundo ang partner ni Andrew matapos ma-comatose at isang taon nang nasa ospital dahil sa atake sa puso at brain hypoxemia.