Isa sa mga naging paksa nina Cristy Fermin, Romel Chika, at guest co-host na si Wendell Alvarez sa entertainment vlog na "Showbiz Now Na" ay ang hidwaan sa pagitan ng mga tagahanga ng host-actress-vlogger na si Alex Gonzaga at premyado at batikang aktres na si Dina Bonnevie.

May titulo ang vlog entry na ito na "Dila ni Alex Gonzaga, Barubal!" at iba pang mga paksa nila kaugnay kay Sarah Geronimo at Kris Aquino.

Naungkat kasi ang isang matagal nang blind item ni Dina noong 2018 tungkol sa isang co-actress sa isang serye na tinalakan niya matapos silang paghintayin sa set.

"Talagang sinabihan ko siya, 'Who do you think you are? Are you famous? Who are you? What name have you made? Have you carved your name in stone in showbiz? Your call time is 9:00 and you come down from your van at 12:00 na naka-pajama? Really? Sabi ko sa kaniya, 'Hindi pa pinapanganak ang babastos sa akin'. If you want to continue taping this soap like this, do it yourself…" sagot ni Dina sa tanong sa kaniya ng isang showbiz reporter kung may naawardan na ba siyang kasamahan sa isang proyekto.

Dina Bonnevie, 'artistang matandang' tinutukoy raw ni Alex Gonzaga na tumalak sa kaniya?

Nang sabihan daw siya na isusumbong siya nito sa nanay niya, "Sige papuntahin mo rito, mag-showdown kami ng nanay mo…"

Nitong Disyembre 2022 naman ay pinag-usapan ang rebelasyon ni Alex tungkol sa isang "artistang matanda" na nagpa-traumatize sa kaniya noong medyo bagets pa siya, dahil pinagsisigawan daw siya sa harapan ng lahat.

Mapapakinggan ito sa podcast niyang "Ano na Catherine?" na mapapanood din sa kaniyang YouTube channel. Tinalakay ni Alex sa vlog na lagi siyang "bad guy" sa paningin ng lahat dahil sa kaniyang "maingay" at palabirong personalidad.

Sa bandang dulo ay nabanggit ni Alex ang kaniyang karanasan sa isang senior star, noong siya ay nasa edad 20 o 21.

"So there was a time, when I was in early 20s, mag-21 ako, I was so traumatized, pinagsisigawan ako ng isang artistang matanda… pinagsisigawan niya talaga ako from head to foot, everything, kasi akala niya galing ako sa bahay late lang ako, hindi niya alam na galing ako sa work kasi siguro hindi sinabi sa kaniya," ani Alex.

"And then after how many years, she's painting me as the bad guy, na deserve ko. Yung pinapanood ko, I think hindi ako 'yan, pero parang yung kuwento ko ang sinasabi niya, pero mali yung kuwento niya. Di ba may mga gano'n? May mga tao na who did you wrong, or who traumatized you, and then you don't even talk about it, parang you would just let it be, and then pag sila pa ang nagkuwento, sila pa yung mabait, ikaw pa yung masama, parang ibang-iba na yung kuwento."

"So naisip ko, anong kailangan kong gawin kapag ganoon? And then ang daming umaagree… wala… kasi alam ko naman yung katotohanan eh," ani Alex.

Walang binanggit o tinukoy na pangalan o gender si Alex kung sino ba ang tinutukoy niyang artistang matandang nambulyaw sa kaniya, subalit naniniwala ang mga netizen na si Dina ito.

Umani ito ng iba't ibang reaksiyon, komento, at diskusyon sa mga netizen at nag-trending pa ang "Team Dina" o mga kumakampi sa beteranang aktres.

Sey naman ng hosts, kung talagang si Alex nga ang tinutukoy ni Dina, sana raw ay matuto itong rumespeto sa kaniyang co-stars, lalo na't puro senior stars na pala ang mga kasama niya. Dapat siya ang nauuna sa set bilang pagpapakita ng paggalang sa lahat. Kung may iba naman raket, sana raw ay matutong manimbang kung ano ang kailangan niyang bitiwan, o mag-isip ng diskarte kung paano hindi makapagdudulot ng pagkaantala sa iba.

Nagbahagi pa si Cristy ng kaniyang personal na karanasan sa pagiging "late" ni Alex, nang ginagawa nila ang show na "Juicy".

Lagi raw kinakatwiran nito na madaling-araw na siyang napakawalan sa isa pang proyektong kinabibilangan nito.

Ang katwiran naman nina Cristy at iba pang kasama sa naturang show-oriented show, kung hindi pala kaya ni Alex na gampanan ang magkabilang programa, bitiwan niya ang isa sa mga ito.

"Para hindi ka nale-late dito na ang dami-daming naaapektuhan sa pagiging late mo," giit pa ni Cristy. "Tapos darating siya nakasimangot, alam naman natin… naka-tsinelas… hindi nakagayak… ganoon na ganoon sa sinabi ni Dina."

Giit ni Wendell, sana raw ay marunong rumespeto sa kaniyang mga kasamahan si Alex. Segunda naman ni Cristy, parang pabango raw ito na hindi makapagbibigay ng halimuyak sa iba kung ikaw mismo ay hindi mabango.

Hindi rin nagustuhan ng hosts ang pagtawag ng "artistang matanda" ni Alex sa kaniyang blind item, kesehodang si Dina ito o iba pang artista.

Sa babae raw kasi, hindi raw dapat ipinamumukha sa kaniya ang edad at timbang.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Alex tungkol sa isyung ito. Bukas ang Balita Online para sa panig ng actress-host-vlogger.