Nakiramay ang talent manager na si Ogie Diaz sa pagpanaw ng asawa ni Andrew Schimmer na siJorhomy “Jho” Rovero.

"Ang aking taos-pusong pakikiramay, John Andrew Schimmer… Lagi mong iisipin: sobra ang pasasalamat sa iyo ni Jho, dahil merong natatanging lalake na mula umpisa hanggang huli ng kanyang pakikipaglaban sa buhay, naramdaman niya ang lalim ng iyong pagmamahal," saad ni Diaz sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Disyembre 20.

"Naipikit ni Jho ang kanyang mga mata na panatag ang loob na nasa mabuting kamay ang inyong mga anak," dagdag pa nito.

Misis ni Andrew Schimmer, pumanaw na

Sumakabilang-buhay na ang kabiyak ni Andrew ayon sa kaniyang latest Facebook posts ngayong Martes, Disyembre 20, limang araw bago ang Kapaskuhan.

“The Love of my Life…my wife..my best friend.. my partner in everything. Remember your promise, together forever,” caption nito sa kaniyang FB post kalakip ang litrato ng mga kamay nila ng yumaong asawa.

Nobyembre 1, 2021 nagsimulang maospital ang kaniyang misis, isinugod ito sa ospital dahil sa matinding asthma attack, na nagresulta sa atake sa puso at brain hypoxemia.