Nagsalita na umano ang aktres na si Barbie Imperial hinggil sa naging insidente ng panunugod niya sa Vivamax artist na si Debbie Garcia sa isang bar sa Quezon City noong Nobyembre.

Barbie Imperial, 'sinampal' ng 3 kaso ni Debbie Garcia dahil sa panunugod nito

Kumasa si Barbie sa isang panayam ng pahayagan para sa pelikulang “A Cup of Flavor” kasama sina JC Santos at Sean de Guzman.

Ani Barbie, nasa korte na raw ang isyu subalit hanggang ngayon, wala pa siyang nababalitaan mula sa kampo ni Debbie, at wala pa siyang natatanggap na subpoena. Ayon sa ulat ay kinasuhan siya ng kampo ni Debbie ng slight physical injuries dahil sa ginawa niyang panunugod.

Handa naman daw si Barbie na harapin ang mga dapat niyang harapin.

Giit pa ni Barbie, mas malalim pa ang dahilan kung bakit niya nasugod si Debbie na dati niyang kaibigan. Nang gabing iyon ay tila "na-provoke" daw siyang sugurin ito. Paulit-ulit daw ang naging "pagkakamali" sa kaniya ni Debbie subalit hindi na ito idinetalye pa ni Barbie.

Kahit na dalawang beses na umanong nangyari ang "pagkakamali" nito sa kaniya ay iginalang pa rin niya ang dating kaibigan, subalit hindi na raw siya nakapagtimpi nang gabing iyon.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Debbie tungkol sa isyu.