Hindi tinantanan ng "Noranians" o mga tagahanga ni Superstar Nora Aunor ang anak nitong si Matet De Leon, matapos ang kaniyang mga tirada sa ina.

Nag-ugat ang isyu sa umano'y panggagaya ng Superstar sa kaniyang negosyong gourmet tinapa at tuyo bagay na hindi nagustuhan ni Matet.

Ayon sa IG post ni Matet kung saan nakasarado ang comment section, "Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? How can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO."

"Nung isang gabi, sinabihan ako na na mag-resell na lang ng products ng nanay ko. Pinaghihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko."

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

"Alam niyang may produkto akong ganyan.. Marami naman daw akong taping. Ano sa tngin niyo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN NIYO BA SA MGA ANAK NIYO TO?"

Basahin: https://balita.net.ph/2022/12/04/matet-imbyerna-kay-ate-guy-negosyo-niyang-gourmet-tinapa-at-tuyo-kinumpetensiya-pa-raw/">https://balita.net.ph/2022/12/04/matet-imbyerna-kay-ate-guy-negosyo-niyang-gourmet-tinapa-at-tuyo-kinumpetensiya-pa-raw/

Sa kaniyang YouTube channel ay nagsagawa naman ng live si Matet noong Linggo ng gabi, Disyembre 4, upang ipaliwanag ang kaniyang panig sa kaniyang rant post.

Nagulat daw talaga si Matet na tinapatan ng kaniyang ina ang negosyo niya. Hindi raw niya inaasahang makakakumpetensya niya ang Superstar. Pinadalhan daw siya sa Messenger ng litrato ng mga gourmet tinapa at tuyo na bagong negosyo ni Ate Guy, at ang unang reaksiyon daw niya ay agad na sumama ang kaniyang kalooban. Nag-hyperventilate pa raw siya.

Paglilinaw ni Matet, hindi siya nakatitiyak kung si Nora mismo ang may desisyon nito o isang taong malapit dito, na napag-alamang ang kinakasama nitong si John Rendez.

Hindi pa raw muna nag-post ng kaniyang rant si Matet sa Instagram. Tinawagan muna niya ang kaniyang mga kapatid na sina Lotlot De Leon at Ian De Leon upang konsultahin ang mga ito sa dapat gawin.

Hanggang sa mapilitan na ngang maglabas ng kaniyang sama ng loob sa social media si Matet nang umarangkada na nga ang mga detalye kung paano makabibili ng produkto ni Ate Guy sa isang social media page. Nang tanungin daw ng isang kakilala si Nora kung bakit pareho sila ng produkto ni Matet, sinabi raw na alam na raw ng aktres ang plano ng kaniyang ina.

Dito na nagngitngit ang kalooban ni Matet, na umaming na-diagnose na may "bipolar disorder".

Sinabihan din umano siya ng kapatid na si "Kenneth" na mag-resell na lang sila ng produkto ni Ate Guy, bagay na hindi matanggap ni Matet.

“Ito pa. Itong kapatid kong si Kenneth, kapatid ba kita? Impakto ka. Siraulo yun, eh. Eh, hindi ko nga kapatid kasi ampon lang. Sabi ba naman, kung gusto daw ni Mommy magnegosyo, pabayaan ko na lang daw. Mag-resell na lang daw ako ng product ni Mommy at magtulungan kami."

Ang punto ni Matet, nauna sila ng mister na si Mickey Estrada sa gourmet tinapa at gourmet tuyo, kaya bakit sila sasabihang mag-resell na lang?

“How do I feel about it? I feel very sad. I feel betrayed. Para akong trinaydor. Para akong… grabe, ampon na ampon yung pakiramdam ko ngayon mga tol. Ang lakas makaampon ng ginawa nila. Ang lakas makaampon, damang-dama ko pagkaampon ko. Walang gagawa ng ganito sa anak nila. So, ibig sabihin nito, hindi talaga ako tinatratong anak. Hindi niya gagawin ito kung mahal niya kami, ngayon ko lang na-realize," emosyunal na pahayag ni Matet.

Palagay daw niya ay hindi na maaayos ang gusot sa pagitan nila ng ina, dahil tila malalim na ang pinaghuhugutan at pinanggagalingan nito.

“Parang hindi na ho, kasi hindi ko alam kung paano mo yan magagawa sa anak mo? Hirap na hirap kaming magkakapatid, hirap na hirap po kami. Ang ate ko, yung kuya ko, paulit-ulit na lang. Kapag may ginawa si Mommy sablay, tapos pumalag kami, sasabihin n'yo wala kaming kuwenta. Ano ba? Anong gusto n'yong gawin namin dito? I don’t understand."

“Para kaming nakatali, para kaming nakabusal na sinasampal-sampal niyong lahat. Nakatali kami, wala kaming puwedeng gawin, nakabusal kami, wala kaming puwedeng sabihin, sinasampal-sampal n'yo kami, wala kaming kuwentang ampon.”

Dahil dito ay binlock na umano ni Matet ang ina sa social media.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/12/06/dama-ko-pagkaampon-ko-matet-feeling-natraydor-sa-panggagaya-ng-inang-si-nora-aunor-sa-negosyo-niya/">https://balita.net.ph/2022/12/06/dama-ko-pagkaampon-ko-matet-feeling-natraydor-sa-panggagaya-ng-inang-si-nora-aunor-sa-negosyo-niya/

Tinadtad din ng Noranians si Matet subalit may sagot umano ang character actress sa mga nagsasabing sumasakay lamang siya sa kasikatan ng kaniyang inang Superstar, na napag-usapan naman nina Cristy Fermin at Romel Chika sa "Cristy Ferminute".

"Si Matet De Leon po ay hindi pa rin tinatantanan ng bashers ngayon, lalong-lalo na ng mga tagahanga ng kaniyang inang si Nora Aunor," sey ni Cristy. Sinasabihan daw itong tumigil na siya, walang utang na loob, at laos na kasi.

"Ay siyempre hindi naman papakabog ang Matet, sumagot…" segunda naman ni Romel Chika.

"Hindi po nalalaos ang mga supporting stars, mga bida lang po," sey daw ni Matet sa Noranians.

"Oh 'di ba, may kagat 'yun, may kurot 'yun, may bigwas 'yun…" komento pa ni Cristy.

Wish ni Cristy, sana raw matapos na ang mga ganito dahil kahit saang husgado raw tingnan, may katwiran naman daw kung bakit nagngingitngit si Matet matapos kalabanin pa ang produktong ibinebenta nila ng sarili mismong ina.

Basahin: https://balita.net.ph/2022/12/05/mga-netizen-nanimbang-sa-hinaing-ni-matet-de-leon-laban-sa-kaniyang-inang-si-nora-aunor/">https://balita.net.ph/2022/12/05/mga-netizen-nanimbang-sa-hinaing-ni-matet-de-leon-laban-sa-kaniyang-inang-si-nora-aunor/

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Nora Aunor tungkol sa isyu, gayundin ang mga nabanggit na personalidad sa kaniyang isinagawang live.