BACOLOD CITY – Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang 16-anyos na batang babae ang kanyang pinsan sa Barangay Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental noong Lunes, Disyembre 5 matapos sabihin umano nitong nagalit siya sa isang tsismis.

Itinago ng pulisya ang mga pangalan ng 17-anyos na biktima at ng suspek.

Sinabi ng hepe ng La Castellana Police na si Capt. Rhojn Darell Nigos na ang suspek, kasama ng kanyang ama, ay sumuko sa pulisya nitong Martes, Disyembre 6, at umamin tungkol sa krimen na kanyang ginawa.

Dagdag ni Nigos, sinampal umano muna ng suspek ang biktima bago pagsasaksakin.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Ikinuwento ng suspek na niyaya niya ang kanyang pinsan na sumama sa kaniya sa paglalakad pagkagaling nila sa isang computer shop.

Gayunpaman, pagdating sa isang liblib na bahagi ng nayon, kinumpronta umano ng suspek ang biktima tungkol sa isang tsismis, na tumanggi namang ipaliwanag ng mga pulis.

Matapos ang komprontasyon, ilang beses umanong pinagsasaksak ng suspek na armado ng patalim ang biktima, ani Nigos.

Nang matanggap ang ulat nitong Martes, sumugod ang mga pulis sa lugar at natagpuan ang biktima na wala nang buhay.

Sinabi ni Nigos na hinihintay nila ang resulta ng postmortem examination upang matukoy ang iba pang mga pinsala ng biktima.

Aniya pa, tinitingnan din nila kung nag-iisang ginawa ng suspek ang krimen o kung may sangkot na maaaring tumulong sa suspek o nag-utos sa kanya na gawin ang krimen.

Nai-refer na ang suspek sa Municipal Social Welfare and Development Office.

Glazyl Masculino