Sinimulan na ng pamunuan ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) nitong Lunes ang implementasyon ng kanilang bagong train service schedule.
Sa paabiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), nabatid na kung weekdays, ang huling biyahe mula sa Baclaran Station sa Parañaque City ay aalis na ng alas-10:00 ng gabi.
Samantala, ang huling biyahe naman ng tren mula sa Roosevelt Station sa Quezon City ay aalis ng alas-10:15 ng gabi.
Kung weekends at holidays naman, ang huling tren ay aalis ng Baclaran ay aalis ng alas-9:30 ng gabi at alas-9:45 naman ng gabi ang last trip mula sa Roosevelt station.
Ayon sa LRMC, wala namang pagbabago sa unang biyahe ng northbound at southbound trips ng LRT-1, na magsisimula pa rin ganap na alas-4:30 ng madaling araw, maging weekdays man, weekends, o holidays.
Matatandaang una na ring inanunsyo ng LRMC na simula ngayong Lunes ay bubuksan na rin nila ang kanilang Roosevelt Station.
Ang naturang train station ay unang isinara noong Setyembre 5, 2020 upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng Common Station o ang Unified Grand Central Station (UGCS), na siyang mag-uugnay sa LRT-1, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Line 7 (MRT-7).