Muntik nang makalusot sa Department of Agriculture (DA) ang 100 tonelada o 100,000 kilos ng dilaw na sibuyas na nagkakahalaga ng ₱30 milyon kung hindi nila ito mabisto sa Maynila kamakailan.

Sa pahayag ng DA, nakatanggap sila ng intelligence report na apat na 40-footer na container van na naglalaman ng puslit na sibuyas ang nauna nang idineklara bilang mga tinapay at pastelerya.

Dahil dito, nagkasa ng inspeksyon ang Office of the Assistant Secretary DA-wide Field Inspectorate, kasama ang composite team ng Bureau of Customs, Bureau of Plant and Industry at Philippine Coast Guard sa Port of Manila nitong Nobyembre 29.

Nang buksan ang apat na container van, tumambad sa mga ito ang 100 tonelada ng dilaw na sibuyas.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Tiniyak ng DA na hindi dumaan sa food safety regulations ang kargamento dahil sa magkakasalungat na import documents nito.

“This poses a great risk to our consumers,” ani DA Assistant Secretary James Layug.

Tinukoy nito na posibleng nagtataglay ng transboundary disease ang kargamento dahil sa kawalan ng papeles nito.

Hindi tinukoy ng DA kung saan nagmula ang kargamento.

Matatandaang inihayag ng DA na iimbestigahan nila ang naiulat na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa gitna ng sapat na suplay nito sa bansa.

Inihahanda na ng DA ang kanilang rekomendasyon sa BOC upang tuluyan nang masampahanng kaso ang nasa likod ng tangkangpagpupuslit.