Kumurot sa puso ng mga netizen ang video ng isang mag-aaral na "Person With Disability" o PWD kung saan makikitang buong pagsisikap siyang nakikisabay sa pagsayaw kasama ang ibang mga mag-aaral kahit nakasuot siya ng saklay, na naganap sa Joint BSP and GSP Encampment at Araw ng mga Kabataan sa isang paaralan sa Lanat, San Manuel, sa Tarlac.

Ibinahagi ang video niya ng isang netizen na nagngangalang "Homer Teodoro" na humanga sa naturang bata.

"KAHANGA HANGA KA, KID!"

"GRABEH ANG FIGHTING SPIRIT NG BATANG SI PRINCE JAY-R DELFIN ISANG KINDER SA SAN AGUSTIN INTEGRATED SCHOOL, SAN MANUEL, TARLAC."

Human-Interest

'Deserve mong i-flex anak!' Bakit nga ba naiyak ang isang guro sa regalo ng isang pupil?

"Napag-alaman na in-born ang kapansanan niya."

"Pero hindi ito naging hadlang para mamuhay siyang normal at makipagsabayan sa ikot ng mundo."

"SALUTE SA IYO KID SCOUT, SIR!!!!"

Mapalad na nakapagsagawa ng eksklusibong panayam ang Balita Online sa punungguro ng San Agustin Integrated School na si Dr. Artbie Samson, 36 anyos, matapos mag-viral ang kuhang video niya ni Prince Jay-ar Delfin, 5 anyos, at kindergarten sa kanilang paaralan.

Salaysay niya, masaya raw ang bata, ang gurong tagapayo o class adviser, at ang lola nito matapos mag-viral ang video ni Prince Jay-ar.

'Sobrang happy ang bata pati rin ang kaniyang mga magulang lalong-lalo na ang kaniyang teacher-adviser at lola," pahayag ng prinsipal.

Si Prince Jay-ar daw ay inborn na "physically challenged" matapos na isilang na pilay ang isang binti. Nakatutuwa raw ang bata dahil sa kabila ng kalagayan nito ay aktibong-aktibo pa rin ito sa klase.

"Aktibo ang bata sa klase. Kailangan niya po ng mga school supplies at mga pinapangarap po niyang mga laruan," aniya.

Bilang punungguro ng paaralan, hangad ni Dr. Samson ang kapakanan ni Prince Jay-ar, at sana raw, maipagpatuloy pa nito ang pag-aaral.

"Bilang principal ay kailangan pa rin niyang ipagpatuloy ang edukasyon since ito lang ang regalong kailanman hindi makukuha ninuman. Ipagpapatuloy ko po at ng mga kaguruan at eskwelahan ang pagbibigay sa kaniya at sa lahat ng sapat na aruga, pagmamahal at de-kalidad na edukasyon tulad ng mantra ng aming eskwelahan ang aming innovation PASPAS SAIS," pangako ng punungguro.

May mensahe naman ang punungguro sa lahat ng mga mag-aaral na kahalintulad ng kalagayan ni Prince Jay-ar.

"Isipin na hindi hadlang ang kapansanan para maging inspirasyon sa lahat. Ipagpatuloy pa rin ang edukasyon at positibong pananaw sa buhay para maging kaaya-aya kahit nasa likod nito ay physically challenged man po."