Labis ang pasasalamat ni San Juan Mayor Francis Zamora matapos na maluklok bilang bagong pangulo ng Metro Manila Council (MMC) sa isinagawang joint meeting ng grupo sa Regional Development Council (RDC) nitong Sabado ng gabi.

“Unang-una sa lahat ako ay nagpapasalamat po sa bumubuo sa Metro Manila Council, kay MMDA Chairman (Romando) Artes, sa lahat ng Metro Manila Mayors maraming salamat sa tiwala sakin,” ayon kay Zamora, na napili rin bilang vice chairperson para sa RDC, sa idinaos na sesyon sa San Juan City.

Kabilang sa mga council members na dumalo sa sesyon ay sina Pateros Mayor Mike Ponce III, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Mandaluyong City Mayor Benjamin Abalos Sr., Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, Manila City Mayor Honey Lacuna, Malabon City Mayor Jeannie Ng-Sandoval, at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose “Jerry” Acuzar.

Tiniyak rin naman ni Zamora na bagamat hindi aniya maiiwasan ang mga hindi pagkakasunduan dahil ang rehiyon ay may iba’t ibang lider, ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mapagkaisa sila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Unang termino ko bilang mayor naranasan natin ang pandemya, nakita ko gaano kalaki ang bagay kung ang labing pitong mayors sa Metro Manila ay nagkakaisa,” aniya pa.

“Minsan posibleng hindi kami magkasundo pero iba pa din May isang boses at isang desisyon,” dagdag pa ng alkalde.

Nangako rin naman si Zamora na kabilang sa mga isyu na reresolbahin nila ay ang problema sa trapiko sa metropolis.

Paliwanag niya, ngayong bumabalik na sa normal ang pamumuhay, ay naglalabasan na rin ang mga mamamayan kaya’t kailangan aniyang gumawa ng mga hakbang upang solusyonan ang traffic sa Metro Manila.

Siniguro rin ni Zamora na kabilang sa magiging pangunahing prayoridad nila ay ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Pagtiyak pa niya, simula pa lamang ito at iaanunsiyo na lamang niya ang iba pa niyang plano para sa Metro Manila sa mga susunod na araw. 

“Ito ay simula pa lang. Sa dadating na linggo na dapat pag-usapan. Lahat dapat naririnig at napapansin upang magkaroon ng desisyon Ang MMC na buo at solid,” saad niya.